SINING AT AGHAM NG PAG-AARAL NG
DULA
Introduksyon
Ang dula ay isang paglalarawan ng buhay. Ayon nga
kay Aristotle, isang pilosopong Griyego, ito ay imitasyon o panggagagad ng
buhay. Kaya nga inaangkin ng dula ang lahat ng katangiang umiiral sa buhay gaya
ng mga tao at mga suliranin.
Mahalagang sangkap sa buhay ng tao ang pagtataglay
ng suliranin o problema sapagkat ito ang nagbibigay ng kulay sa buhay. Ang
suliranin ay maaaring likas o umiiral at maaari ring likha lamang.
Ang anyo ng dula ay ayon sa gumagalaw na tauhan at
sa kanilang dayalogo o sinasabi.
Katuturan ng Dula
Ang dula ay isa sa maraming paraan ng pagkukwento.
Ito’y may tawag na hango sa salitang Griyego—Drama– nangangahulugang gawin o
ikilos (Rubel).
Ito ay isang uri ng panitikang nahahati sa ilang
yugto na maraming tagpo. Ang pinakamahalagang layunin ng panitikang ito ay
itanghal sa tanghalan. Mauunawaan at matututuhan ng isang manunuri o kritiko ng
panitikan ang ukol sa isang dula sa pamamagitan ng panonood.
Isang larawan ng buhay na sinasangkap ng wika,
damdamin at sining. Ito’y sinusulat hindi upang sulatin at basahin lamang.
Hinahabi ito upang itanghal at makaaliw.
- Consolacion
Sauco
Sinasabi ring ang dula ay isang uri ng sining na
may layuning magbigay ng makabuluhang mensahe sa manonood (kung itinatanghal) o
mambabasa (kung nakalimbag o isinaaklat) sa pamamagitan ng kilos ng katawan,
dayalogo at iba pang aspekto na kaugnay ng sining na ito.
Ito ay isang uri ng akdang may malaking bisa sa diwa at ugali ng isang bayan.
Parang buhay na inilalarawan dito sa atin ang buti at sama ng isang bayan; ang
mabuti ay upang pulutin at masama ay upang iwasan at di gawin.
-
Schiller at Madame De Staele
Ang iba’t ibang manunulat ay may sarili rin o
hiniram na pagbibigay katuturan sa dula. Bilang isang panitikan sinasabi ni
Arthur Casanova na ang dula ay isa sa mga anyo ng panitikang naglalarawan ng
mga damdamin at pananaw ng mga tao sa partikular na bahagi ng kasaysayan ng
bayan. Ito ay sang uri ng akdang inilalarawan ng mga artista sa ibabaw ng
tanghalan o entablado ang kaisipan at damdamin ng may-akda (Veneranda Lachica).
Sinasabi naman ni Ruth E. Mabanglo na ito ay isang
paglalarawan ng buhay, isang pangagagad sa buhay na binubuo ng mga tauhan. Ito
ay isang uri ng akdang may malaking bisa sa diwa at
ugali ng isang bayan.
MGA PAMAMARAAN NG PAGSUSURI NG DULA (TANGLAW NG WIKA AT PANITIKAN III)
- Bilang
materyal – sinusuri ang aspeto ng istorya,
mahalaga ang iskrip. Sinusulat ang iskrip ng dula upang malaman ang mga
sumusnod: banghay ng kwento, mga tauhan, kakaibang ideya o kaisipang
napapaloob ditto, at tagpuan o kapaligiran
- Bilang
teatro – mga bagay labas sa dula ang sinusuri
nito tulad ng mga sumusunod: direksyon, pagganap ng mga tauhan, pag-iilaw
sa tanghalan, paglalapat ng mga tunog at aspektong teknikal
MGA
ELEMENTO NG DULA
- Iskrip
o nakasulat na dula. Ito ang
pinakakaluluwa ng isang dula. Ang lahat ng bagay na isasaalang-alang sa
dula at nararapat na naaayon sa isang iskrip. Walang dula kapag walang
iskrip.
- Gumaganap
o Aktor. Ang mga aktor o gumaganap ang
nagsasabuhay sa mga tauhan sa iskrip. Sila ang nagbibigkas ng dayalogo,
nagpapakita ng iba’t ibang damdamin at pinapanood na tauhan sa dula.
- Tanghalan. Anumang
pook na pinagpasyahang pagtanghalan ng isang dula ay tinatawag na
tanghalan. Tanghalan din ang tawag sa kalsadang pinagtanghalan ng isang
dula o ang silid na pinagtanghalan ng mga mag-aaral sa kanilang klase.
- Tagadirehe
o Direktor. Ang direktor ang nagpapakahulugan sa isang
iskrip. Siya ang nag-iinterpret sa iskrip mula sa pagpasya sa itsura ng
tagpuan, ng damit ng mga tauhan hanggang sa paraan ng pagganap at
pagbigkas ng mga tauhan ay dumidepende sa interpretasyon ng direktor sa
iskrip.
- Manonood. Hindi
maituturing na dula ang isang binansagang pagtanghal kung hind ito napanood ng
ibang tao. Hindi ito maituturing na dula sapagkat ang layunin ng dula’y
maitanghal at kapag sinasabing maitanghal dapat mayroong makasaksi o
manood.
MGA SANGKAP NG DULA
- Tagpuan. Ito ay sumasaklaw
sa panahon at lugar/ pook na pinagyarihan ng aksyon. Kadalasang
inilalarawan ito ng manunulat upang makatulong sa produksyon. Ang
kaligiran ay mahalaga upang makita ng mambabasa ang pinagganapan ng
kuwento.
- Tauhan.
Sila ang gumaganap at sa buhay nila umiinog ang mga pangyayari sa kuwento.
Sila ang nagsasagawa ng kilos na ipinahihiwatig ng kanilang mga dayalogo.
Sa kanilang pagsasalita lumilitaw ang mga butil ng kaisipang ibig
palutangin ng sumulat at sa kanilang mga kilos naipadarama ang damdamin at
saloobin. Inuuri ang mga tauhan ng dula batay sa kanilang tungkulin sa
paglinang ng kwento.
- Dramatis personae –
mga tauhan ng drama na binubuo ng protagonista at antagonista
- Bayani ng trahedya (tragic hero) –
ang protagonista sa dulang trahedya
- Confidant/confidante –
sa kanya ibinubunyag ng pangunahing tauhan ang kanyang pinakapribadong
pag-iisip at damdamin.
- Foil –
isang maliit na karakter na may kakaiba o taliwas na personalidad na ang
layunin ng manunulat at mabigyang-tuon ang pagkakaiba nito sa ibang
tauhan.
- Kwento ng Dula.
Ito ay maaaring bungang isip lamang o hango sa totoong karanasan. Sa
kasalukuyan, maaaring pagbatayan ang isang maikling katha o kaya ay
nobela. Mayroon din namang pagkakataon na ang orihinal na dula, maikling
kwento o kaya ang nobela ay nagiging batayan ng pelikula o kaya’y dulang
pantelebisyon.
ASPEKTO NG KWENTO NG DULA
- Diyalogo at Kilos. Ang
dramatikong diyalogo ay masining, pili at pinatindi batay sa sitwayon.
Hindi dapat kaligtaan ang pagiging natural sa pagsasalita. Ang pagsasalita
ay may sariling katangian—tiig, bigkas, diin, bilis, lawak. Ang galaw ng
kalamnan ng mukha, ng mga bisig, balikat, kamay at katawan hanggang paa
mula pagpasok hanggang paglabas ng tanghalan ay mahalaga. May mga
pagkakataong imiinumungkahi ng manunulat ang mga galaw sa bawat
mahahalagang dayalog na higit na makapagpapalutang ng mensaheng nais
ihatid.
- Banghay. Ito ang basehan
ng kayarian ng isang dula. Pinapanood ang mga kilos o aksyon na sadyang
pinag-ugnay-ugnay upang mabuo ito. Masining na pagkakasunud-sunod ng
magkakaugnay na pangyayari. Hinahati-hati ang buong banghay sa mga yugto o
bahagi at ang bawat yugto ay sa mga tagpo o eksena. Gaano man kahaba o
kaikli ang isang dula, dapat itong magtaglay ng paglalahad, suliranin,
gusot at ang kawakasan. Ang suliranin o ang gusot ay ang pagtaas na ng
aksyon na kinakailangan malutas sa pagtutunggalian ng mga tauhan. Ang huling
bahagi ng dula ay ang resolusyon at wakas na bunga ng tunggalian ng mga
tauhan o pwersa sa kapaligiran.
Ang banghay o mga mahahalagang pangyayari ay
maaaring buuin ng mga sumusunod na bahagi. (Ihambing sa mga bahagi ng Maikling
Kwento)
- Eksposisyon – Sa bahaging
ito ipinakikilala ang mga karakter, nagsisimula ang paglalarawang tauhan o
karakterisasyon at nagpapasimuno ng aksyon. Kung minsan, isang pormal na
prologo ang makikita sa unahan ng drama upang mailarawan ang tagpuan.
- Komplikasyon – Ipinakikilala
at pinauunlad ng komplikasyon ang tunggalian. Nagaganap ito kapag ang isa
o higit pang pangunahing tauhan ay nakaranas ng mga gusot o problema o
kapag ang kanilang relasyon ay nagsisimulang magbagosaglit na paglayo o
pagtakas ng mga tauhan sa suliraning nararanasan.
- Krisis – Nagaganap
ang krisis sa panahon ng pinakarurok ng intensidad ng damdamin at
kadalasan ay kakikitaan ang desisyon ng maliwanag na tunggalian ng
protagonista at ng antagonista.
- Pababang Aksyon at Kakalasan –
Nag-uugat ito sa pagkawala ng kontrol ng protagonista at ang pinal na
catastrophe ay hindi na maiiwasan sa pagdating tulad ng nagaganap sa isang
trahedya. Samantala, sa isang komedya, mga mga dumarating na di-inaasahang
pangyayari (twists) na nagbibigay-daan sa drama upang magwakas nang
masaya.
- Resolusyon – Sa sangkap
na ito nalulutas, nawawaksi at natatapos ang mga suliranin at tunggalian
sa dula. Maaari rin itong magpakilala ng panibagong mga suliranin at
tunggalian sa panig ng mga manonood.
MGA URI NG DULA SA PILIPINAS
- Parsa.
Nagdudulot ito ng katatwanan sa mga tagapanood sa pamamagitan ng paggamit
ng eksaheradong pantomina, pagbobobo(clowning), mga nakakatawa,
nakatutuwa, komikong pagsasalita na karaniwang isinasagawa sa mabilisan at
di akmang layunin at si pagkakaunawaan. Gumagagamit din ito ng mga
sitwasyong hindi makabuluhan at nagpapakita sa ugali ng tao na walang
kontrol.
- Komedya (mula
sa Griyego – komos – magkatuwaan o magsaya). Naglalahad ng isang banghay
sa sitwasyong nakahihigit kaysa parsa, higit na seryoso at
kapani-paniwala, ngunit hindi naman sobra. Ang mga tauhan ay makikita sa
lipunan ng mga indibidwal; maaaring sila’y pagtawanan o makitawa sa kanila
na may pansin sa kanilang kalagayan o suliranin. Isang dramatikong epekto
na humihikayat sa pagbabago ng lipunan, sapagkat ito ay tunay na salaming
sosoyal.
- Melodrama.
Tumutukoy ito hindi lamang sa kawili-wiling misteryo, ngunit maging sa mga
dulang may mapuwersang emosyon o damdamin na puno ng mga simpatetikong mga
tauhan. Karaniwang gumagamit ito ng poetikong katarungan at humihikayat ng
pagkaawa para sa mga propagandista at pagkamuhi para sa mga antagonista.
Ito’y umaabot at sumasaklaw sa seryosong drama o dula na tinatawag na
“drama” sa Ingles at sa tinatawag na dulang suliranin (problem play) na
patungo sa trahedya.
- Trahedya.
Kumakatawan ito sa mga tauhan na ang lakas ng isip ay nakatuon sa kanilang
kalikasan ng sariling moralidad at sila’y nagagapi sa mga puwersa o laban
sa kanila. Ayon kay Aristotle, ang ganap na trahedya ay dapat gumagad sa
mga kilos na nagkakaroon ng awa at takot. Ang pagkagapi ng trahikong
protagonista ay di maiiwasan, di matatanggap, at nagkakabunga ng masakit
na pagtanggi sa moral na imperpeksyon o kaya sa poetikong kawalang
katarungan sa daidig.
- Saynete.
Ang layunin nito ay magpatawa ngunit ang mga pangyayari ay karaniwan
lamang. Ang mga gumaganap ay tau-tauhan at nasa likod ng telon ang mga
taong nagsasalita. Ito’y mayroon ding awitin.
MGA KOMBENSYON O KASUNDUAN NG DULA (Ang Bagong Filipino III)
Ang
kombensyon ay ang mga implicit o di-hayag na kasunduan ang mandudula at ang
kanyang manonood sa isang tanghalan. Ito ay ang mga sumusunod.
- Ikaapat na Paladindingan (Fourth Wall) – ang
ikaapat na dinding sa isang entablado ay nakaharap sa mga manonood nang
walang harang.
- Pagsasalita ng Tauhan – Minsan ay
nagsasalitang patula ang mga tauhan ngunit hindi tayo tumututol sapagkat
nais itong gamitin ng may-akda sa kanyang dula.
- Ang panahon. Kung minsan ay mabilis ang
pagpapalit ng panahon sa isang dula o kaya nama’y napakabagal. Hindi tayo
tumututol dito kapag nais itong gamitin ng may-akda.
Narito ang ilan pang kombensyon ng isang dula.
- Aside (bulong) – mga salitang binibigkas ng
tauhan subalit hindi naririnig ng iba pang tauhang gumaganap sa tanghalan.
- Monologo (monolog/ue) – isang mahabang at
tuluy-tuloy na pahayag na nagsasaad ng iniisip at damdamin ng tauhan.
- Soliloquy (soliloke) – isang mahaba at
tuluy-tuloy na pahayag habang ang tauhan ay nag-iisa sa tanghalan.
Mahahalagang Konsepto sa Dula
- Antagonista – ang tauhang sumasalungat
at humahadlang sa protagonista upang matupad niya ang kanyang tungkulin o
layunin
- Bayani (hero/heroine) - ang
protagonistang nakakuha ng ating pagmammahal o paghanga.
- Bilog na tauhan – tauhang may iba’t
ibang uri ng personalidad at tila ba may buhay sa labas pa ng salaysay.
- Casting – ang pagpili ng mga gaganap sa
dula.
- Catastrophe (sakuna) – ang pagtatapos ng
isang trahedya. Galing ito sa wikang Griyego na nangangahulugang “pababang
kilos.”
- Deus ex machine – sa matatandang dula,
ito ay ang pagbaba ng isang diyos sa tanghalan upang iligtas ang
protagonista sa kapahamakan. Kaya nga ito rin ang tawag sa anumang
pangyayari na di-sinasadya o di-inaasahan na nagpapabago ng wakas ng isang
dula.
- Direksyon sa tanghalan (stage direction)
– ang paglalarawan ng pag-uugali at pagkilos ng tauhan na hindi taglay ng
mga dayalogo. Madalas ito nakasulat ng pahilig o nakapaloob sa panaklong.
- Dramatic irony – ito ay kadalasang bunga
ng pagkakaiba sa pagitan ng sinasabi at ginagawa.
- High comedy – komedya nakatuon sa
matalinong pag-iisip batay na rin sa pagiging malikhain ng banghal at kahusayan
sa pananalita.
- In medias res – sa mga klasikong dula,
ang pagsisimula sa kalagitnaan ng salaysay.
- Karakter na istak (stock) – mga tauhang
ang katangian ay eksaherado at karaniwan na kumakatawan sa isang tipo o
uri ng kalikasan ng tao.
- Katarsis (catharsis) – (mula sa Griyego
– paglilinis) ang kaginhawahang naramdaman matapos masaksihan ang isang
masaklap na pangyayari sa dulang trahedya. Sinadya ni Aristotle na gamitin
ang salitang ito upang tutulan ang pananaw ni Plato, isa ring pilosopong
Griyego, na ang dula ay nagpapapakita ng kahiya-hiyang emosyon at
masasamang pag-uugali.
- Katulong na mga tauhan
(minor/supporting) – tumutulong sila sa pagsusulong ng aksyon subalit
hindi sila ang sanhi o biktima nito.
- Koro (chorus) – sa dulang Griyego, ito
ay isang pangkat ng mga tauhan na kumakanta o sumasayaw nang sabay-sabay.
Sila rin ay nagbibigay ng komento sa aksyon ng mga pangunahing tauhan.
- Low comedy – komedya na nakatuon sa
pinakamababang sense of humor tulad ng pagtatawa sa mayroong pisikal na
karamdaman o indignidad.
- Madulang aksyon (dramatic action) –
anumang pagkilos ng tauhan sa tanghalan na makapupukaw at makakukuha ng
atensyon ng mga manonood.
- Pangunahing tauhan (central character) – ang
protagonist sa dula. Kung walang tahasang protagagonista at ito ay
ikinalat sa iba’t ibang tauhan ito ay tinatawag na dula ng kapaligiran
(plays of atmosphere)
- Proscenium – ang bahagi ng tanghalan na
nasa harapan ng tabing. Ito ang arkong naghihiwalay sa gumaganap at sa
manonood. Ito ang karaniwang ayos ng mga awditoryum sa mga paaralan.
- Romantikong komedya – naglalarawan ng
karaniwang pantahan o pampamilyang sitwasyon o pangkasalukuyang
pag-uugali. Ito ay nagsisimula sa isang magulong romantikong relasyon na
nagtatapos sa isang masayang pagwawakas.
- Satira (Satire) – pinagiging katawa-tawa
ang anumang bisyo ng tao o kanyang kahangalan.
- Skit – isang impormal na pagsasanay sa
dula na hindi kasing lalim o kasinlawak ng ordinaryong dula
- Static characters – mga tauhang walang
pagbabago sa buong yugto ng naratibo.
- Tagpo/Eksena (Scene) – isang yunit ng aksyon
na nagaganap sa isang tiyak na oras at lugar.
- Tanghal – ang bahaging ito ang
ipinanghahati sa yugto kung kailangang magbago ng ayos ang tanghalan.
- Yugto (Act)– isang yunit ng aksyon sa dula at maaaring may ilang tagpo. Ipinanghahati ito sa dula sa pamamagitan ng pagbababa ng tabing upang magkaroon ng panahong makapagpahinga ang mga nagsisiganap gayundin ang mga manonood.
No comments:
Post a Comment