Search This Blog

Showing posts with label Mga Tayutay o Mga Salitang Patalinghaga. Show all posts
Showing posts with label Mga Tayutay o Mga Salitang Patalinghaga. Show all posts

April 13, 2022

Mga Tayutay o Mga Salitang Patalinghaga

 

Tayutay (Figures of Speech)

 

  • Nagpapaganda sa akda, nagpapalalim sa kaisipan at nagpapayaman sa guniguni ng bumabasa.  Ang mga tayutay ay madalas na gamitin sa mga akdang pampanitikan.

 

1.            Patulad o Simile – paghahambing ng dalawang bagay na magkaiba ng uri (ginagamitan  ng salitang para, gaya, katulad, kaparis, at iba pa).

 

Halimbawa: 

Para ng halamang lumaki sa tubig,

                Daho’y nalalanta munting di madilig.

 

2.            Pawangis o Metapora – paggamit ng salitang nangangahulugan ng isang bagay sa pagpapahayag ng ibang bagay.

 

Halimbawa:

Sapagkat ang haring may hangad sa yaman

Ay mariing hampas ng langit sa bayan.

 

3.            Sinekdoke – gumagamit ng bahagi sa halip ng kabuuan o ng kabuuan sa halip ng bahagi.

 

Halimbawa:

At ang balang bibig na binubukalan

Ng sabing magaling at katotohanan.

 

4.            Pangitain o Vision

 

Halimbawa:

Sa sinapupunan ng Konde Adolfo’y

Aking natatanaw si Laurang sinta ko.

 

5.            Panawagan o Apostrophe – kagyat na pagtutol sa naunang pagpapahayag at pananawagan sa tao o bagay na wala roon.

 

Halimbawa:

Kamataya’y nahan ang dating bangis mo?

 

6.            Pabaligho o Paradox – pahayag na wari’y salungat o laban sa likas na pagkukuro ngunit nagpapakilala ng katotohanan.

 

Halimbawa:

Ang matatawag kong palaya sa akin

ng ama ko’y itong ako’y pagliluhin

agawan ng sinta’t panasa-nasaing

lumubog sa dusa’t buhay ko’y makitil.

 

7.            Padamdam o Exclamation – pagbubulalas ng masidhi o matinding damdamin.

 

Halimbawa:

Nanlilisik ang mata’t ang ipinagsaysay

Ay hindi ang ditsong nasa orihinal,

Kundi ang winika’y ikaw na umagaw

Ng kapurihan ko’y dapat kang mamatay!

 

8.            Pandiwantao o Personification – binibigyang-katauhan ang isang bagay na walang buhay o kaisipang basal (abstract).

 

Halimbawa:

Parang walang malay hanggang sa magtago’t

Humilig si Pebo sa hihigang ginto.

 

9.            Pahalintulad o Analogy – tambalang paghahambing, pagkakawangki ng mga pagkakaugnay.

 

Halimbawa:

Inusig ng taga ang dalawang leon,

si Apolo mandin sa Serpyente Piton.

 

10.         Enigma – naikukubli ang kahulugan sa ilalim ng malabong pagtukoy.

 

Halimbawa:

Tapat ang puso ko’y di nagunamgunam

Na ang paglililo’y nasa kagandahan.

 

11.         Papanuto o Aphorism – maikling paglalahad ng isang tuntuning pangkaasalan.

 

Halimbawa:

Kung ang isalubong sa iyong pagdating

ay masayang mukha’t may pakitang-giliw

pakaingatan mo’t kaaway na lihim,

siyang isaisip na kakabakahin.

 

12.         Tanong na Mabisa o Rhetorical Question– tanong na naglalayong magbunga ng isang tanging bisa at hindi upang magtamo ng kasagutan.

 

Halimbawa:

Anong gagawin ko sa ganiton bagay

ang sinta ko kaya’y bayaang mamatay?

 

13.         Pagmamalabis o Hyperbole – pahayag na ibayong maindi kaysa katotohanan o lagpas sa maaaring mangyari.

 

Halimbawa:

Bababa si Marte mula sa itaas,

Sa kailalima’y aahon ang parkas.

 

14.         Aliterasyon – paulit-ulit na tunog ng isang katinig na ginagamit sa mga magkakalapit na salita o pantig. 

 

Halimbawa:

At sa mga pulong dito’y nakasabog, nangalat, nagpunla.

Nagsipanahanan, nangagsipamuhay, nagbato’t nagkuta.

 

15.         Asonansya – inuulit ang tunog ng isang patinig sa halip ng katinig.

 

Halimbawa:

Ang buhay ng tao at sa taong palad,

Nasa ginagawa ang halaga’y bigat.

 

16.   Onomatopeya – pagkakahawig ng tunog ng salita at ng diwa nito.

 

(1)    Tuwirang onomatopeya – kapag ginagagad ng ga tunog ng patinig at katinig ang tunog ng inilalarawan ng taludtod.

 

Halimbawa:

Ikaw’y iniluwal ng baha sa bundok

Hahala-halakhak at susutsut-sutsot.

 

(2)    Pahiwatig na onomatopeya – kapag ang mga tunog ng patinig at katinig ay hindi gumagagad kundi nagpapahiwatig lamang ng bagay na inilalarawan.

 

Ayon kay Lope K. Santos, ang ating mga titik ay nag-aangkin ng sari-sariling pahiwatig na kaisipan.  Ang A ay nagpapahiwatig ng kalakhan, kalinawan, kalawakan, kalantaran, samantalang ang I ay nagtataglay ng diwa ng kaliitan, labuan, karimlan, kalaliman, kalihiman, at iba pa.

 

a                            araw, buwan, ilaw, buwan, linaw, tanghal

 

i                            gabi, lilim, lihim, kulimlim, liit, unti, itim

 

        i               -               Ang suot ay puti’y may apoy sa bibig,

                                        Sa buong magdamag ay di matahimik,

                                        Ngunit ang hiwagang di sukat malirip,

                                        Kung bakit sa gabi lamang namamasid.

LET REVIEWER

Introduksyon sa Pagsasalin

Overview: Pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay naglalayong paunlarin ang kasanayan sa pagsasalin na ginagabayan ng pananaliksik (saliksik...