Isa sa mga babaeng gumanap ng mahalagang papel sa himagsikan at nagpamalas ng kagitingan at pagmamahal sa bayan ay si Trinidad Tecson.
Sumapi siya sa lihim na samahan ng mga Katipunero. Mapulang-mapula at buhay ang dugong tumulo sa bisig ni Trinidad. Isinawsaw niya sa dugong ito ang pluma at inilagda niya ang kanyang pangalan bilang isa sa magigiting na Pilipinang kasapi sa katipunan.Nagsuot kawal si Trinidad Tecson at sumama sa mga Katipunero sa larangan ng digmaan. Isa siya sa pinakamatapang na kawal na babae na nakipaglaban sa mga kawal Kastila. Nakasama siya sa labanan sa San Miguel, sa San Ildefonso, at sa San Jose, Nueva Ecija.
Siya ay naglingkod sa ilalim ng hukbong pinamunuan ng magigiting at matatapang na Heneral na Pilipino. Kabilang dito sina Heneral Mariano Llanera.
Sa ilalim ng pangkat ni Heneral Francisco Makabulos ay nasugatan si Trinidad sa paa sa paglusob nila sa kampo ng mga Kastila sa Zaragosa. Nueva Ecija. Napilitan siyang umurong sa labanan at magpagaling sa Biak-na-Bato.
Sa makasaysayang pook ng Biak-na-Bato itinayo ni Heneral Aguinaldo ang mga kampo, at ospital ng mga rebolusyonaryo. Sa pook na ito ginagampanan ni Trinidad ang tungkulin ng isang nars at ina ng mga nasusugatan at mga maysakit na Katipunero.
Bagamat may sugat ang binti, ay inalagaan, pinakain at ginamot niya ang mga sugatang kawal. Bukod sa paggamot at pag-aalaga sa mga kawal Pilipino ay nanawagan din si Trinidad sa mga kababaihang Pilipina na tumulong sa pag-aalaga sa mga sugatang kababayan.
Muling nagsuot ng damit kawal si Trinidad nang muling sumiklab ang himagsikang Pilipino-Amerikano noong 1898. Dahil sa kakulangan ng pagkain at sandata ay napilitan silang sumuko sa Hukbong Amerikano.
Bilang pagkilala sa nagawang pagmamalasakit ni Trinidad Tecson sa mga kawal Pilipino noong panahon ng Himagsikan, si Trinidad Tecson ay tinagurian ni Heneral Aguinaldo na "Ina ng Biak-na-Bato."