Search This Blog

Showing posts with label Batayang Kaalaman Tungkol sa Panitikan. Show all posts
Showing posts with label Batayang Kaalaman Tungkol sa Panitikan. Show all posts

April 14, 2022

Ina ng Biak-na-Bato

 Isa sa mga babaeng gumanap ng mahalagang papel sa himagsikan at nagpamalas ng kagitingan at pagmamahal sa bayan ay si Trinidad Tecson.

Sumapi siya sa lihim na samahan ng mga Katipunero. Mapulang-mapula at buhay ang dugong tumulo sa bisig ni Trinidad. Isinawsaw niya sa dugong ito ang pluma at inilagda niya ang kanyang pangalan bilang isa sa magigiting na Pilipinang kasapi sa katipunan.

Nagsuot kawal si Trinidad Tecson at sumama sa mga Katipunero sa larangan ng digmaan. Isa siya sa pinakamatapang na kawal na babae na nakipaglaban sa mga kawal Kastila. Nakasama siya sa labanan sa San Miguel, sa San Ildefonso, at sa San Jose, Nueva Ecija.

Siya ay naglingkod sa ilalim ng hukbong pinamunuan ng magigiting at matatapang na Heneral na Pilipino. Kabilang dito sina Heneral Mariano Llanera.

Sa ilalim ng pangkat ni Heneral Francisco Makabulos ay nasugatan si Trinidad sa paa sa paglusob nila sa kampo ng mga Kastila sa Zaragosa. Nueva Ecija. Napilitan siyang umurong sa labanan at magpagaling sa Biak-na-Bato.

Sa makasaysayang pook ng Biak-na-Bato itinayo ni Heneral Aguinaldo ang mga kampo, at ospital ng mga rebolusyonaryo. Sa pook na ito ginagampanan ni Trinidad ang tungkulin ng isang nars at ina ng mga nasusugatan at mga maysakit na Katipunero.

Bagamat may sugat ang binti, ay inalagaan, pinakain at ginamot niya ang mga sugatang kawal. Bukod sa paggamot at pag-aalaga sa mga kawal Pilipino ay nanawagan din si Trinidad sa mga kababaihang Pilipina na tumulong sa pag-aalaga sa mga sugatang kababayan.

Muling nagsuot ng damit kawal si Trinidad nang muling sumiklab ang himagsikang Pilipino-Amerikano noong 1898. Dahil sa kakulangan ng pagkain at sandata ay napilitan silang sumuko sa Hukbong Amerikano.

Bilang pagkilala sa nagawang pagmamalasakit ni Trinidad Tecson sa mga kawal Pilipino noong panahon ng Himagsikan, si Trinidad Tecson ay tinagurian ni Heneral Aguinaldo na "Ina ng Biak-na-Bato."

April 13, 2022

Mga Teorya/Pananaw Pampanitikan

Teorya

  • Ito ang pormulasyon ng palilinawing mga prinsipyo ng mga tiyak na penomena, paniniwala, o ideya upang makalikha ng isang sistematikong paraan ng pagpapaliwanag ng mga ito.

Teoryang Pampanitikan

  • Ang pagbabalangkas ng mga prinsipyo na magpapaliwanag sa pinagmulan at kalikasan ng panitikan, ano ito ngayon at ano dapat ito, papaano ito nalikha at papaano ito nagagamit ng lipunan.
  • Isang sistema ng mga kaisipan at mga kahalagahan na nagbibigay-kahulugan sa kalikasan at tungkulin ng panitikan pati na sa proseso ng paglikhang masining, at mga layunin ng may-akda at ng tekstong pampanitikan.

Teoryang Klasisismo

  • Pagtuklas at pagtanaw sa katotohanan, kagandahan, at kabutihan ang nilalayon ng klasisismo.  Hinahangad nito na palawakin ang pananaw at pang-unawa ng matwid na tao, at makamtan yaong tinatawag na grandeur d’ame o pagkadakila ng pagkatao.  At dahil ang tao ay sadyang may katutubong karupukan, kinakailangan din na ang panitikan ay makatulong sa paglilinis o pagpupurga sa kalooban at niloloob upang lalong makatulong sa pagkakamit ng kadakilaan ng katauhan.

Teoryang Humanismo

  • Walang higit pang kawili-wiling paksa kaysa tao.  Kung pumasok man ang kalikasan sa sining ay upang lalong mapalitaw ang mga katangian ng tao.  Ang Diyos man ay nagiging makabuluhan sa daigdig dahil sa tao sapagkat kung walang tao sa daigdig, walang makakaisip ng anuman tungkol sa Diyos.  Hindi nito sinasabi na higit na dakila ang tao kaysa Diyos.  Isinesentro lamang nito sa daigdig ang tao.

Teoryang Romantisismo

  • Higit na pinahahalagahan ang “damdamin” kaysa ideyang siyentipiko o may batayan.  Nananalig ang mga romantisista sa Diyos; naniniwala sila sa katwiran, siyensya, eksperimento at obserbasyon (empirisismo); materyal din ang tingin nila sa kalikasan at santinakpan.  Ngunit para sa kanila, kulang pa at hindi maipaliliwanag o nasasagot ng mga ito ang mga tanong at mga karanasan tungkol sa puso.

 

Teoryang Realismo

  • Higit na mahalaga ang katotohanan kaysa kagandahan.  Hinahangad nito ang katotohanan at ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan ng mga bagay, mga tao at lipunan, at alin pa mang maaaring mapatunayan sa pamamagitan ng ating mga sentido.  Ang paraan ng paglalarawan ang susi, at hindi ang uri ng paksa.  Naniniwala ang realismo na ang pagbabago ay walang hinto.

Teoryang Naturalismo

  • Pinalawak ng naturalismo ang saklaw ng realismo.  Tinangka kasi ng naturalismo ang mas “matapat, di-piniling representasyon ng realidad, isang tiyak na hiwa ng buhay na ipinakita nang walang panghuhusga”.  Dahil sa walang muwang na “scientific determinism,” binigyang-diin ng naturalismo ang namana (o aksidente) at pangpisikal na likas ng tao kaysa mga katangian niyang pangmoral o rasyonal.  Naipakitang ang mga indibidwal ay produkto ng pinanggalingan at kapaligiran.

Teoryang Formalismo

  • Ang isang akda ay may sariling buhay at umiiral sa sarili nitong paraan.  Nasa porma o kaanyuan ng isang akda ang kasiningan nito.  Ang porma ay binubuo ng imahe (gamit ng lengguwahe na kumakatawan sa mga bagay, aksiyon at mga ideyang abstrakto), diksiyon (pagpili ng mga salita at paraan ng pagkakaayos nito), sukat, tugma, at iba pa.  Kailangang magkasama ang porma at ang nilalaman upang magkaroon ng buong kahulugan ang isang akda.

Teoryang Imahismo

  • Malaya ang makatang pumili ng anumang nais na paksain ng kanyang tula.  Gumagamit ng wika o salitang pangkaraniwan.  Kailangang angkop at tiyak ang bawat salita, at walang hindi kinakailangang palamuti. Ang imagism, isang tradisyon ng panulaang modernista na sadyang tiwalag sa tradisyon ng pangangaral o pang-aliw bilang akdang pansining ay may bukod-tanging kairalan, at hindi ito kailangang ipasailalim sa anumang layuning hindi makasining.  Wika nga, “Art for art’s sake”.

 

Teoryang Siko-Analitika

  • Masalimuot ang teorya ni Freud.  Sa pinakamadaling sabi, ang panitikan sa kanya ay ang kabuuan ng kamalayan at di-kamalayan: lumalabas dito ang mga bagay na di masasabi o maisusulat ng makata nang tuwiran sa harap ng ibang tao. 

Arketipal na Pananaw

  • o mitolohikal na oryentasyon.  Ito ay isa pang pagdulog na tila kawangis ng sikolohikal na pananaw.  Tulad ng sikolohikal na pananaw, nakapako ang atensiyon nito sa paraan ng paglikha at ang epekto nito sa mambabasa.  Subalit waring higit na malawak ang larangang sinusuyod ng arketipong pananaw sapagkat buong kalipunan ng mga sagisag at imaheng palagiang lumilitaw sa mga teksto ng pandaigdigang kultura ang pinagpapakuan nito ng masusing pansin.

Teoryang Eksistensiyalismo

  • Tulad ng romantisismo, ito ay mahilig sa eksperimentasyon tungo sa “tunay” na buhay at pananalita o ekspresyon.  Sinusuri nito ang lahat ng bagay bilang “lived facts”; wala itong dini-diyos at itinuturing na dapat igalang (sacred) maliban sa kalayaan, pagka-responsable at indibidwalismo ng bawat tao – ng manunulat o ng mambabasa.  Walang makapagsasabi ng kung alin ang tama o mali, totoo o malikmata, importante o walang silbi, maliban sa taong nakararanas sa pinag-uusapan.

Teoryang Istrukturalismo

  • Iisa ang simulain ng teoryang ito: ang pagpapatunay na ang wika o lengguwahe, ay hindi lamang hinuhubog ng kamalayang panlipunan kundi humuhubog din sa kamalayang panlipunan.  Nakabaon ang panlipunang kamalayan sa paggamit ng wika (social discourse) o paggamit sa mga salita ayon sa mga kinikilalang tuntunin at pagsasapraktikang panlipunan (social conventions).

Teoryang Dekonstruksiyon

  • Binibiyang-diin sa teoryang ito ang kamalayan ng manunulat at ng mambabasa bilang mga produkto ng social discourse na nakasulat.  Ito ay naangkop sa panitikang nakasulat bilang produkto ng isang tiyak na may-akda na tagapagdala o tagapagingat ng isang tradisyong pang-intelektuwal at pampanitikan.  Ang kahulugan ng isang tekto ay nasa kamalayang gumagamit sa teksto, at hindi sa teksto mismo.

 

Teoryang Moralistiko

  • Pinalalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag hindi lamang ng literal na katotohanan kundi ng mga panghabambuhay at unibersal na mga katotohanan at mga di-mapapawing pagpapahalaga (values).  Pinahahalagahan ang panitikan di dahil sa mga partikular na katangian nito bilang likhang-isip na may sinusunod na sariling mga batas at prinsipyo sa kanyang pagiging malikhain, kundi dahil sa mga aral na naidudulot nito sa mga nakikinig o bumabasa.

Teoryang Historikal/Sosyolohikal

  • Di teksto bilang teksto ang lubusang pinagtutuunan ng pansin kundi ang kontekstong dito’y nagbigay-daan; hindi ang partikular na kakanyahan lamang ang sinusuri kundi ang mga impluwensiyang dito ay nagbigay-hugis—ang talambuhay ng awtor, ang politikal na sitwasyon sa panahong naisulat ang akda, ang mga tradisyon at kombensiyon na maaaring nakapagbigay sa akda ng mga katangian.

Marxistang Pananaw

  • Ang panitikan ay tinitignan bilang instrumento ng pagbabago, o bilang behikulo na magagamit upang mabuksan ang isipan ng tao sa kanilang kalagayang api.   

Feministang Pananaw

·         Pinagtutuunan ng pananaw Feminismo ang kalagayan o representasyon ng kababaihan sa isang akda.  Layunin nito na baguhin ang mga de-kahong imahen o paglalarawan sa kababaihan sa anumang uri ng panitikan.  Layunin ng pananaw na ito na masuri ang mga akdang pampanitikan sa paningin o perspektiba ng babae.  Dahil sa matagal na panahon, halos mga lalaki ang nagsusuri kung kaya hindi man maka-lalaki ang pananaw, ay nagtatanghal lamang ng mga nagawa ng kalalakihan.

April 12, 2022

Panitikan

 Panitikan

  • Ang salitang Tagalog na “panitikan” ay galing sa unlaping PANG- (na nagiging PAN- kapag ang kasunod na ugat ay nagsisismula sa d, l, r, s, t); sa ugat ng TITIK (letra) na nawawalan ng simulang T sa pagkakasunod sa PAN-; at sa hulaping –AN, samakatwid: pang * titik * an
  • Ang salitang ito ang panumbas ng Tagalog sa “literatura” o “literature” na parehong batay sa ugat na Lating “litera” na ang kahuluga’y “letra” o titik.
  • Ayon kay Hno. Azarias, sa kanyang aklat na “Pilosopia ng Literature”, ang Panitikan ay pagpapahayag ng mga damdamin ng tao hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan at pamahalaan, at sa kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang lumikha.
  • “Nasusulat na tala ng pinakamabuting kaisipan at damdamin ng tao.” (W.J. Jong)

Anyo ng Panitikan

 

  • Tuluyan (prosa) – maluwag na pagsasama-sama ng mga salita sa katutubong takbo ng pangungusap.  Halimbawa, anekdota, alamat, maikling katha, kathambuhay, sanaysay, talambuhay, dula, at iba pa.
  • Patula – pagbubuo ng pahayag sa pamamagitan ng salitang binilang sa pantig (6, 8, 12, 16, o 18 sa taludtod) at pinapagtugma-tugma sa mga dulo ng mga taludtod sa loob ng isang estropa (stanza).  Halimbawa, liriko, oda, pastoral, kurido, tulang pasalaysay, tulang padula, soneto, at iba pa.

Matandang Panitikan

Ang matandang panitikan ay inuuri sa dalawa: 

 

  • Pasalita – kabilang sa panitikang hindi nakasulat ang mga pahayag na binubuo ng maiikling taludturan tulad ng salawikain, kasabihan, bugtong, mga talinghaga at mga awiting-bayan.
  • Pasulat – sa paglipas ng panahon, ang panitikang ito’y nagpasalin-salin sa bibig ng mga mamamayan; ito ay napagyaman, hanggang sa naging maunlad ang panulatan at palimbagan at napatala na sa mga aklat – mga akdang kababakasan ng nakalipas na panahon..

 

Salawikain o Sawikain at Kasabihan – karamihan sa mga ito ay may impluwensya ng Arabe, Malay at ng Indo-Tsina.

 

Salawikain o Sawikain – nagtataglay ng talinghaga.  Nagsisilbing mga panuntunan sa buhay – mga bata ng kaugalian at patnubay ng kagandahang-asal.  Binubuo ito ng mga taludtod na karaniwa ay dadalawa, may sukat at tugma at nagbibigay-aral.

 

Halimbawa:

 

Ang bato sakdal man ng tigas

Tubig na malambot ang nakaaagnas.

 

Di man makita ang apoy

Sa aso matutunton.

 

Ang inahing mapagkupkop

Di man anak isusukob.

 

Sabi o Kasabihan – hango sa karunungan ng matatandang may mga karanasan sa buhay.  May himig paalaala, kung minsa’y parang nanunudyo, ang mga ito’y hindi gumagamit ng malalalim na mga talinghaga.  Payak lamang ang kahulugan ng mga ito na kasasalaminan din ng gawi at ugali ng tao.

 

Halimbawa:

 

Anak na di paluhain                                                           Walang sumisira sa bakal

Ina ang patatangisin.                                                           Kundi kanya ring kalawang.

 

Nasa banig                                                                            Ang maniwala sa sabi

Lumipat sa sahig.                                                 Walang bait na sarili.

Kuwalta na

Naging bato pa.

 

Bugtong, Talinghala, Tanaga – sa aklat na Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Padre Juan de Noceda at Pedro de San Lucar, maraming maiikling matulaing pagpapahayag na kinabibilangan ng bugtong, talinghaga, at tanaga.

 

Bugtong – tugmang naghahamon sa tao na mag-isip nang madalian nang walang pagbabatayan kundi ang inilalarawan ng mga salita.  May layunin itong mapasigla ang guniguni at mapatalas ang isip.

 

Halimbawa:

 

Di matingalang bundok                                     Kinalag ang balangkas

Darak ang nakakamot.                                       Sumayaw nang ilagpak.

(BALAKUBAK)                                                                 (TRUMPO)

 

Kakabiyak na niyog                                                            Isang balong malalim,

Magdamag inilibot.                                                             Punung-puno ng patalim.

(BUWAN)                                                                             (BIBIG)

 

Talinghaga – isang payak na metaporang may walong pantig sa bawat taludtod.  Ito ay may sukat at tugma.

 

Halimbawa:

 

Labong ng kawayang bagong tumutubo

Langit na mataas ang itinuturo;

Kapag tumanda na at saka lumago,

Lupang pinagmulan, doon din ang yuko.

 

Tanaga – ayon kina Noceda at Sanlukar, isang tulang may apat na taludtod na pipituhing-pantig at naghahamon din sa isip.

 

Halimbawa:

 

Ang tubig ma’y malalim                    Baging akong kalatkat

Malilirip kung lipdin                                           Kaya ako nataas

Itong budhing magaling                                     Sa balite kumalat               

Maliwag paghanapin.                                         Nakinabang ng taas.

 

Bulong – tulang ginagamit sa panggagamot o pang-iingkanto.

 

Halimbawa:

 

Huwag magagalit, kaibigan,                                              Tabi po, tabi po

Aming pinuputol lamang                                   Huwag pong manununo.

Ang sa ami’y napag-utusan.  

 

Awiting-bayan – tulad ng alinmang tula, ang mga ito ay may sukat at tugma.  Di nakilala ang mga kumatha ng maraming awiting bayan.

 

Itinala ni Epifanio de los Santos Cristobal ang sumusunod na awiting-bayan:

 

  1. suliranin (awit sa paggaod)
  2. talindaw (awit sa pamamangka)
  3. diona (awit sa panliligaw at pagkakasal)
  4. oyayi o ayayi (awit sa paghehele)
  5. kumintang (awit sa pakikidigma; nang lumao’y naging awit sa pag-ibig)
  6. sambotani (awit sa pagtatagumpay)
  7. kundiman (awit ng pag-ibig)
  8. dalit (himno)

 

Epiko – mga tulang-salaysay tungkol sa mga bayani at sa kanilang kabayanihan.  Ang mga bayaning ito ay tila mga bathala sa pagtataglay ng kapangyarihan.  Ang mga epiko ay paawit kung isalaysay.  Sinasabing ang mga epiko ng mga Bisaya, Tagalog, Iluko, Ifugao, at Bikol ay napasulat sa Alibata, samantala ang epiko ng Mindanao ay nakasulat sa Sanskrito.

 

Halimbawa:

  1. Hudhud (Ifugao)
  2. Ibalon (Bikol)
  3. Biag ni Lam-ang (Ilokano)
  4. Maragtas (Hiligaynon-Iraya)

Akdang Panrelihiyon

 

  1. Doctrina Cristiana – Ito ang kauna-unahang aklat na nilimbag sa Pilipinas.  Nilimbag ito sa pamamagitan ng silograpiya noong 1593.
  2. Nuestra SeƱora del Rosario – sinulat ito at inilimbag ni Pari Blancas de San Jose, O.P., noong 1602 sa Imprenta ng Santo Tomas.
  3. Barlaan at Josaphat – sinulat ito ni Pari Antonio de Borja, S.J., at inilathala noong 1708 at muli noong 1712.  Ito ay batay sa sa mga salaysay mula sa Bibliya.  Ipinalalagay na ito ang kauna-unahang nobelang Tagalog kahit salin lamang.
  4. Pasyon – sa panahon ng kuwaresma, ang buhay at pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo ay inaawit. 
  5. Mga Dalit kay Maria – sabayang inaawit bilang handog kung buwan ng Mayo sa pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen. 

 

Pari Modesto de Castro – dahil sa kanyang Urbana at Feliza, tinagurian siyang “Ama ng Tuluyang Klasika sa Tagalog.”

LET REVIEWER

Introduksyon sa Pagsasalin

Overview: Pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay naglalayong paunlarin ang kasanayan sa pagsasalin na ginagabayan ng pananaliksik (saliksik...