Search This Blog

Showing posts with label Panitikan. Show all posts
Showing posts with label Panitikan. Show all posts

April 14, 2022

Ina ng Biak-na-Bato

 Isa sa mga babaeng gumanap ng mahalagang papel sa himagsikan at nagpamalas ng kagitingan at pagmamahal sa bayan ay si Trinidad Tecson.

Sumapi siya sa lihim na samahan ng mga Katipunero. Mapulang-mapula at buhay ang dugong tumulo sa bisig ni Trinidad. Isinawsaw niya sa dugong ito ang pluma at inilagda niya ang kanyang pangalan bilang isa sa magigiting na Pilipinang kasapi sa katipunan.

Nagsuot kawal si Trinidad Tecson at sumama sa mga Katipunero sa larangan ng digmaan. Isa siya sa pinakamatapang na kawal na babae na nakipaglaban sa mga kawal Kastila. Nakasama siya sa labanan sa San Miguel, sa San Ildefonso, at sa San Jose, Nueva Ecija.

Siya ay naglingkod sa ilalim ng hukbong pinamunuan ng magigiting at matatapang na Heneral na Pilipino. Kabilang dito sina Heneral Mariano Llanera.

Sa ilalim ng pangkat ni Heneral Francisco Makabulos ay nasugatan si Trinidad sa paa sa paglusob nila sa kampo ng mga Kastila sa Zaragosa. Nueva Ecija. Napilitan siyang umurong sa labanan at magpagaling sa Biak-na-Bato.

Sa makasaysayang pook ng Biak-na-Bato itinayo ni Heneral Aguinaldo ang mga kampo, at ospital ng mga rebolusyonaryo. Sa pook na ito ginagampanan ni Trinidad ang tungkulin ng isang nars at ina ng mga nasusugatan at mga maysakit na Katipunero.

Bagamat may sugat ang binti, ay inalagaan, pinakain at ginamot niya ang mga sugatang kawal. Bukod sa paggamot at pag-aalaga sa mga kawal Pilipino ay nanawagan din si Trinidad sa mga kababaihang Pilipina na tumulong sa pag-aalaga sa mga sugatang kababayan.

Muling nagsuot ng damit kawal si Trinidad nang muling sumiklab ang himagsikang Pilipino-Amerikano noong 1898. Dahil sa kakulangan ng pagkain at sandata ay napilitan silang sumuko sa Hukbong Amerikano.

Bilang pagkilala sa nagawang pagmamalasakit ni Trinidad Tecson sa mga kawal Pilipino noong panahon ng Himagsikan, si Trinidad Tecson ay tinagurian ni Heneral Aguinaldo na "Ina ng Biak-na-Bato."

Ang Alamat ng Mindanao

Noong araw, nang hindi pa dumarating si Raha Baginda upang ikalat ang mga aral ni Mahoma, ay dadalawang pulutong pa lamang ng mga pulo ang pinaninirahan ng mga tao sa Pilipinas. Ang isa na nasa dakong hilaga ay pinamamahalaan ni Datu Lusong. Si Datu Lusong ay nagtataglay ng pambihirang lakas at tapang.


Siya'y may isang anak na dalagang ang pangalan ay Minda. Si Minda ay maganda, malambing ang tinig, at mabini ang kilos. Humahanga ang lahat ng nakakakita sa kanya.

Sa kalagitnaan naman ng Pilipinas, sa may pulong di-lubhang kalayuan sa pulo ni Datu Lusong, ang namumuno ay isang sultang kilala sa tawag na Datu Bisaya. Siya ay may malakas na hukbo na pinamumunuan ng kanyang anak na si Danaw. Mahal na mahal si Danaw ng kanyang mga kawal dahil sa mabuti siyang magpasunod. At dahil din sa kanyang husay at tapang, lagi silang tagumpay sa mga labanang kanilang dinarayo.

Magkagalit sina Datu Lusong at Datu Bisaya. Madalas silang nagsasagupaan noon pa mang sila'y mga binata pa. Nais ng bawat isa na sakupin ang kaharian ng isa't isa. Ngunit napansin nila na walang mangyayari sa kanilang paglalaban. Nauubos lamang ang kanilang mga kawal. Hindi sila magkatalunan. Dahil dito, minabuti nilang magka-sundo na. Upang maging ganap ang kanilang pagka-kasundo, iminungkahi ni Datu Lusong ang pag-iisang dibdib ng kani-kanilang anak na sina Minda at Danaw.

Malugod namang sumang-ayon si Datu Bisaya. Itinakdang ganapin ang kasal sa isang malaking pulo sa dakong timog. Ang pulong ito ay bago pa lamang nasasakop ni Datu Danaw.

Bago pa lamang nagbibilog ang buwan ay lulan na ng kanilang paraw sina Datu Lusong, Minda, at mga kawal patungo sa pulo na pagdarausan ng kasal. Doon nama'y naghihintay na ang mag-amang Datu Bisaya at Danaw at mga kawal nito.

Nang dumating sila sa pulo ay nagsimula na ang paghahanda. Nagluto sila ng masasarap na pagkain at inilabas ang kanilang mga alak. Idinaos ang kasal matapos na sila'y mag-alay sa kanilang diyos. Masayang-masaya ang lahat. Tumagal ng tatlong araw at tatlong gabi ang kasayahan. Pagkatapos ng pagsasaya ay nagtalumpati si Datu Bisaya.

"Ang pulong ito ay inireregalo ko sa mga bagong kasal. Dito na sila maninirahan. Sinumang may nais sumama sa kanila ay maaari nang maiwan dito. Mula ngayon, ang pulong ito ay tatawaging Minda-Danaw."

Maraming kawal ang nagpaiwan sa pulo kasama ng mga bagong kasal. Doon na sila nanirahan sa pamumuno ni Danaw.

Sa nilakad-lakad ng panahon, ang pangalang Minda-Danaw ay naging Mindanaw. Sa pag-unlad ng wika, ito ay naging Mindanao.

Ngayon, ang Mindanao ay pangalawa sa pinaka-malaking pangkat ng mga pulo sa Pilipinas. Ito'y sagana sa mga likas na yaman.

PANITIKAN NG VISAYAS LENGWAHE/WIKA

Ang mga wikang Bisaya, ayon sa larangan ng dalubwikaan, ay kasapi ng pamilyang Gitnang Pilipino ng mga wika kung saan kabilang din ang Tagalog at Bikol. Karamihan sa mga wikang Bisaya ay ay sinasalita sa Kabisayaan ngunit sinasalita rin sila sa Bikol (partikular sa Sorsogon at Masbate), sa mga pulo sa timog ng Luzon tulad ng mga iyong mga bumubuo ng Romblon, sa hilaga at kanlurang mga bahagi ng Mindanao, at sa lalawigan ng Sulu sa timog-kanluran ng Mindanao. Ilan ding mga residente ng Kalakhang Maynila ang nagsasalita ng Bisaya, at ang karamihan ay nakakaunawa sa iba’t ibang digri dulot ng pamamayani rito ng mga Bisaya.

TULA, EPIKO AT KWENTO

NG MGA BISAYA

HALIMBAWA NG TULA:

"Sa kamingaw sa kagabion""Pagkumot nimo sa lalum kong gugma""Ang hilas nimong dagway"

HALIMBAWA NG EPIKO:

"Labaw Donggon"HINILAWOD""Maragtas"

HALIMBAWA NG KWENTO:

" Ang Kataksilan ni Sinogo"

 

Paano lumaganap ang panitikan ng Bisaya?

Lumaganap ang panitikang bisaya sa pamamagitan ng palikha ng mga tula, epiko at kwento na may kaugnayan sa kanilang kultura, pamumuhay at lugar.

Sino ang kininalang Ama ng Panitikan Bisayan?

Si Eriberto Gumban ay binigyan ng karangalang maging Ama ng Panitikang Bisaya. Tubong Iloilo, nakasulat siya ng maraming moro-moro at komedya sa wikang Bisaya. Ang kanyang mga moro-morong nasulat ay Ang Mutya Nga Matin-ao (Ang Makinang na Alahas) Ang Yawa Nga Bulawan (Ang Dimonyong Ginto) at Ang Salamin San Pamatan-on (Ang Salamin ng Kabataan). Ang kanyang mga komedya ay Carmelina, Felipro at Clodones.

“ANG TUNAY NA SAMPUNG UTOS” NI APOLINARIO MABINI

Sa unang utos ni Apolinario Mabini na pinamagatang “Ang Tunay na Sampung Utos” ay ipinapaalam niya sa mga tao na mahalin natin ang Diyos ng higit sa lahat at pahalagahan mo ang iyong sarili sa ano mang bagay sa mundo. Ang panginoon ang siya lamang nakakaalam sa lahat ng nangyayari sa sanlibutan at higit sa lahat ang katotohanan. Ang iyong malinis na hangarin at kalooban ang siyang maglalarawan na ikaw ay matapat, mabait at masipag.

Sa pangalawang niyang utos isinasaad niya dito na sambahin mo ang Diyos ng buong puso na walang pag-aalinlangan. Sa mga panahong gumagawa ka ng masama, nailalayo ka nito sa panginoon at sa mga mabubuti mong gawa ay parang kinakausap mo na rin ang Panginoon.

Sa ikatlong utos, huwag sayangin sa walang kabuluhang gawain ang mga magagandang katangian na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon sa halip ito’y mas lalo pang linangin at gamitin sa mabuting gawain upang matamo at nang maranasan ang kapayapaan at kadalisayan sa ating buhay. Sa malinis na pagkatao at mabubuting pag-uugali mo, napapasaya mo ang Panginoon.

Pang-apat, ibigin mo ang iyong bayang kinagisnan, gaya ng pagmamahal mo sa Diyos at pagpapahalaga sa iyong sarili. Sapagkat ang iyong tinubuang bayan lamang ang tanging biyaya o kaloob ng Diyos na maaaring ipinamana ng ating mga ninuno na magbigay sa atin ng magandang kinabukasan. Itong lupa na iyong kinagisnan ay magpapadama sa iyo ng tunay na ligaya, pag-asa at higit sa lahat sa mga gusto mong gawin.

Sa ikalimang utos ni Apolinario Mabini na dapat pagsumikapang mabuti na ipagtanggol ang bayan bago ang sarili, dapat gawin ang lahat upang mabalik ang kaginhawaan sa bayan sapagkat ang bayang walang problema ay maaasam ang kaligayahan. Kapag masaya o malaya ang bayan, ang nakatira rin dito ay may kalayaan sa buhay.

Ang ikaanim na utos, ay pagsikapin mo kung ano man ang mithiin mo sa iyong sarili at sa iyong bayan sapagkat ikaw lamang ang may katungkulan na magmalasakit para sa ikauunlad at ikagiginhawa nito.

Ikapitong utos, ay huwag mong isipin na mas makapangyarihan ang mga taong may mataas na posisyon sa lipunan na may masamang hangarin dahil ang Panginoon lamang ang may taglay at tunay na may kapangyarihan.

Ang ikawalong utos, ay mas mabuting makapagtatag ng isang Republika sapagkat may kalayaan kang gawin ang lahat, walang magkokontrol dahil nakatira ka sa demokrasyang bansa. Huwag natin hayaang magkaroon ng isang kaharian ang ating bayan upang walang sinuman ang magkokontrol sa atin at walang mapagmataas, para ang lahat ay pantay-pantay sa paningin ng lahat.

Ang ika-siyam na utos ay mahalin mo ang iyong sarili katulad ng pagmamahal mo sa kapwa. Dapat huwag kang gumawa ng masama sa ibang tao kung ayaw mong gawin ito sayo.

 

At ang pangsampung utos, pahalagahan mo ang iyong kapwa ituring siyang isang kaibigan, kapatid sapagkat siya ang kasama mo sa hirap at ginhawa, sa lungkot at ligaya. Kasangga sa lahat ng problemang dumating sa buhay.

April 13, 2022

Mga Teorya/Pananaw Pampanitikan

Teorya

  • Ito ang pormulasyon ng palilinawing mga prinsipyo ng mga tiyak na penomena, paniniwala, o ideya upang makalikha ng isang sistematikong paraan ng pagpapaliwanag ng mga ito.

Teoryang Pampanitikan

  • Ang pagbabalangkas ng mga prinsipyo na magpapaliwanag sa pinagmulan at kalikasan ng panitikan, ano ito ngayon at ano dapat ito, papaano ito nalikha at papaano ito nagagamit ng lipunan.
  • Isang sistema ng mga kaisipan at mga kahalagahan na nagbibigay-kahulugan sa kalikasan at tungkulin ng panitikan pati na sa proseso ng paglikhang masining, at mga layunin ng may-akda at ng tekstong pampanitikan.

Teoryang Klasisismo

  • Pagtuklas at pagtanaw sa katotohanan, kagandahan, at kabutihan ang nilalayon ng klasisismo.  Hinahangad nito na palawakin ang pananaw at pang-unawa ng matwid na tao, at makamtan yaong tinatawag na grandeur d’ame o pagkadakila ng pagkatao.  At dahil ang tao ay sadyang may katutubong karupukan, kinakailangan din na ang panitikan ay makatulong sa paglilinis o pagpupurga sa kalooban at niloloob upang lalong makatulong sa pagkakamit ng kadakilaan ng katauhan.

Teoryang Humanismo

  • Walang higit pang kawili-wiling paksa kaysa tao.  Kung pumasok man ang kalikasan sa sining ay upang lalong mapalitaw ang mga katangian ng tao.  Ang Diyos man ay nagiging makabuluhan sa daigdig dahil sa tao sapagkat kung walang tao sa daigdig, walang makakaisip ng anuman tungkol sa Diyos.  Hindi nito sinasabi na higit na dakila ang tao kaysa Diyos.  Isinesentro lamang nito sa daigdig ang tao.

Teoryang Romantisismo

  • Higit na pinahahalagahan ang “damdamin” kaysa ideyang siyentipiko o may batayan.  Nananalig ang mga romantisista sa Diyos; naniniwala sila sa katwiran, siyensya, eksperimento at obserbasyon (empirisismo); materyal din ang tingin nila sa kalikasan at santinakpan.  Ngunit para sa kanila, kulang pa at hindi maipaliliwanag o nasasagot ng mga ito ang mga tanong at mga karanasan tungkol sa puso.

 

Teoryang Realismo

  • Higit na mahalaga ang katotohanan kaysa kagandahan.  Hinahangad nito ang katotohanan at ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan ng mga bagay, mga tao at lipunan, at alin pa mang maaaring mapatunayan sa pamamagitan ng ating mga sentido.  Ang paraan ng paglalarawan ang susi, at hindi ang uri ng paksa.  Naniniwala ang realismo na ang pagbabago ay walang hinto.

Teoryang Naturalismo

  • Pinalawak ng naturalismo ang saklaw ng realismo.  Tinangka kasi ng naturalismo ang mas “matapat, di-piniling representasyon ng realidad, isang tiyak na hiwa ng buhay na ipinakita nang walang panghuhusga”.  Dahil sa walang muwang na “scientific determinism,” binigyang-diin ng naturalismo ang namana (o aksidente) at pangpisikal na likas ng tao kaysa mga katangian niyang pangmoral o rasyonal.  Naipakitang ang mga indibidwal ay produkto ng pinanggalingan at kapaligiran.

Teoryang Formalismo

  • Ang isang akda ay may sariling buhay at umiiral sa sarili nitong paraan.  Nasa porma o kaanyuan ng isang akda ang kasiningan nito.  Ang porma ay binubuo ng imahe (gamit ng lengguwahe na kumakatawan sa mga bagay, aksiyon at mga ideyang abstrakto), diksiyon (pagpili ng mga salita at paraan ng pagkakaayos nito), sukat, tugma, at iba pa.  Kailangang magkasama ang porma at ang nilalaman upang magkaroon ng buong kahulugan ang isang akda.

Teoryang Imahismo

  • Malaya ang makatang pumili ng anumang nais na paksain ng kanyang tula.  Gumagamit ng wika o salitang pangkaraniwan.  Kailangang angkop at tiyak ang bawat salita, at walang hindi kinakailangang palamuti. Ang imagism, isang tradisyon ng panulaang modernista na sadyang tiwalag sa tradisyon ng pangangaral o pang-aliw bilang akdang pansining ay may bukod-tanging kairalan, at hindi ito kailangang ipasailalim sa anumang layuning hindi makasining.  Wika nga, “Art for art’s sake”.

 

Teoryang Siko-Analitika

  • Masalimuot ang teorya ni Freud.  Sa pinakamadaling sabi, ang panitikan sa kanya ay ang kabuuan ng kamalayan at di-kamalayan: lumalabas dito ang mga bagay na di masasabi o maisusulat ng makata nang tuwiran sa harap ng ibang tao. 

Arketipal na Pananaw

  • o mitolohikal na oryentasyon.  Ito ay isa pang pagdulog na tila kawangis ng sikolohikal na pananaw.  Tulad ng sikolohikal na pananaw, nakapako ang atensiyon nito sa paraan ng paglikha at ang epekto nito sa mambabasa.  Subalit waring higit na malawak ang larangang sinusuyod ng arketipong pananaw sapagkat buong kalipunan ng mga sagisag at imaheng palagiang lumilitaw sa mga teksto ng pandaigdigang kultura ang pinagpapakuan nito ng masusing pansin.

Teoryang Eksistensiyalismo

  • Tulad ng romantisismo, ito ay mahilig sa eksperimentasyon tungo sa “tunay” na buhay at pananalita o ekspresyon.  Sinusuri nito ang lahat ng bagay bilang “lived facts”; wala itong dini-diyos at itinuturing na dapat igalang (sacred) maliban sa kalayaan, pagka-responsable at indibidwalismo ng bawat tao – ng manunulat o ng mambabasa.  Walang makapagsasabi ng kung alin ang tama o mali, totoo o malikmata, importante o walang silbi, maliban sa taong nakararanas sa pinag-uusapan.

Teoryang Istrukturalismo

  • Iisa ang simulain ng teoryang ito: ang pagpapatunay na ang wika o lengguwahe, ay hindi lamang hinuhubog ng kamalayang panlipunan kundi humuhubog din sa kamalayang panlipunan.  Nakabaon ang panlipunang kamalayan sa paggamit ng wika (social discourse) o paggamit sa mga salita ayon sa mga kinikilalang tuntunin at pagsasapraktikang panlipunan (social conventions).

Teoryang Dekonstruksiyon

  • Binibiyang-diin sa teoryang ito ang kamalayan ng manunulat at ng mambabasa bilang mga produkto ng social discourse na nakasulat.  Ito ay naangkop sa panitikang nakasulat bilang produkto ng isang tiyak na may-akda na tagapagdala o tagapagingat ng isang tradisyong pang-intelektuwal at pampanitikan.  Ang kahulugan ng isang tekto ay nasa kamalayang gumagamit sa teksto, at hindi sa teksto mismo.

 

Teoryang Moralistiko

  • Pinalalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag hindi lamang ng literal na katotohanan kundi ng mga panghabambuhay at unibersal na mga katotohanan at mga di-mapapawing pagpapahalaga (values).  Pinahahalagahan ang panitikan di dahil sa mga partikular na katangian nito bilang likhang-isip na may sinusunod na sariling mga batas at prinsipyo sa kanyang pagiging malikhain, kundi dahil sa mga aral na naidudulot nito sa mga nakikinig o bumabasa.

Teoryang Historikal/Sosyolohikal

  • Di teksto bilang teksto ang lubusang pinagtutuunan ng pansin kundi ang kontekstong dito’y nagbigay-daan; hindi ang partikular na kakanyahan lamang ang sinusuri kundi ang mga impluwensiyang dito ay nagbigay-hugis—ang talambuhay ng awtor, ang politikal na sitwasyon sa panahong naisulat ang akda, ang mga tradisyon at kombensiyon na maaaring nakapagbigay sa akda ng mga katangian.

Marxistang Pananaw

  • Ang panitikan ay tinitignan bilang instrumento ng pagbabago, o bilang behikulo na magagamit upang mabuksan ang isipan ng tao sa kanilang kalagayang api.   

Feministang Pananaw

·         Pinagtutuunan ng pananaw Feminismo ang kalagayan o representasyon ng kababaihan sa isang akda.  Layunin nito na baguhin ang mga de-kahong imahen o paglalarawan sa kababaihan sa anumang uri ng panitikan.  Layunin ng pananaw na ito na masuri ang mga akdang pampanitikan sa paningin o perspektiba ng babae.  Dahil sa matagal na panahon, halos mga lalaki ang nagsusuri kung kaya hindi man maka-lalaki ang pananaw, ay nagtatanghal lamang ng mga nagawa ng kalalakihan.

Mga Akdang Mapanghimagsik

 

Ang paghihimagsik laban sa mga Kastila ay pinagtampukan ng mga akda nina Bonifacio at Emilio Jacinto, mga akdang nasulat sa Tagalog, ang wikang opisyal ng Katipunan.  Samantala, ang paghihimagsik laban sa mga Amerikano ay tinampukan naman ng mga akda nina Apolinario Mabini at Jose Palma.

Andres Bonifacio (1863-1897) – kinilalang “Ama ng Demokrasyang Pilipino” kinilala rin siyang “Dakilang Plebyo”.  Siya ay kasal kay Gregoria de Jesus, ang tinaguriang “Lakambini ng Katipunan”.  Si Bonifacio ay gumamit ng mga sagisag na “Agap-ito Bagumbayan” at “May Pag-asa”.

Mga Akda ni Bonifacio:

 

  1. Pag-ibig sa Tinubuang Lupa (tula)
  2. Sampung Utos
  3. Pahimakas (salin ng Mi Ultimo Adios ni Rizal)
  4. Mga Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (dekalogo ng Katipunan)
  5. Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog (sanaysay)
  6. Katapusang Hibik ng Pilipinas (tulang tugon sa tula ni del Pilar na Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas)

 

Emilio Jacinto (1875-1899) – kinilalang “Utak ng Katipunan” dahilan na rin sa kanyang katalinuhan.  Sumulat ng Kartilya ng Katipunan.  Ginamit niya sa pagsulat ang sagisag na “Dimas-Ilaw”; ginamit naman niyang pangalan bilang kasapi ng Katipunan ang “Pingkian”.

 

Mga Akda ni Jacinto:

  1. A La Patria (tulang hawig sa Mi Ultimo Adios ni Rizal)
  2. A Mi Madre (isang oda)
  3. Liwanag at Dilim (katipunan ng mga sanaysay)
  4. Ang Tao ay Magkakapantay
  5. Kalayaan

 

Apolinario Mabini (1864-1903) – kilala sa bansag na “Dakilang Lumpo”.  Tinaguriang siyang “Utak ng Himagsikan”.  Bilang manunulat, marami siyang akda sa Kastila – mga akdang pampolitika, sosyolohiko, pampamahalaan at pilosopiko.

 

Mga Akda ni Mabini:

  1. La Revolucion Filipino
  2. El Verdadero Decalogo (Ang Tunay na Dekalogo)

 

Jose Palma (1876-1903)kabilang sa mga manunulat sa panahon ng rebolusyon laban sa mga Amerikano.  Ang tulang “Filipinas” ang makabuluhan niyang ambag sa panitikan.  Ito ang naging titik ng musikang nalikha ni Julian Felipe.

April 12, 2022

Panitikan

 Panitikan

  • Ang salitang Tagalog na “panitikan” ay galing sa unlaping PANG- (na nagiging PAN- kapag ang kasunod na ugat ay nagsisismula sa d, l, r, s, t); sa ugat ng TITIK (letra) na nawawalan ng simulang T sa pagkakasunod sa PAN-; at sa hulaping –AN, samakatwid: pang * titik * an
  • Ang salitang ito ang panumbas ng Tagalog sa “literatura” o “literature” na parehong batay sa ugat na Lating “litera” na ang kahuluga’y “letra” o titik.
  • Ayon kay Hno. Azarias, sa kanyang aklat na “Pilosopia ng Literature”, ang Panitikan ay pagpapahayag ng mga damdamin ng tao hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, sa pamumuhay, sa lipunan at pamahalaan, at sa kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang lumikha.
  • “Nasusulat na tala ng pinakamabuting kaisipan at damdamin ng tao.” (W.J. Jong)

Anyo ng Panitikan

 

  • Tuluyan (prosa) – maluwag na pagsasama-sama ng mga salita sa katutubong takbo ng pangungusap.  Halimbawa, anekdota, alamat, maikling katha, kathambuhay, sanaysay, talambuhay, dula, at iba pa.
  • Patula – pagbubuo ng pahayag sa pamamagitan ng salitang binilang sa pantig (6, 8, 12, 16, o 18 sa taludtod) at pinapagtugma-tugma sa mga dulo ng mga taludtod sa loob ng isang estropa (stanza).  Halimbawa, liriko, oda, pastoral, kurido, tulang pasalaysay, tulang padula, soneto, at iba pa.

Matandang Panitikan

Ang matandang panitikan ay inuuri sa dalawa: 

 

  • Pasalita – kabilang sa panitikang hindi nakasulat ang mga pahayag na binubuo ng maiikling taludturan tulad ng salawikain, kasabihan, bugtong, mga talinghaga at mga awiting-bayan.
  • Pasulat – sa paglipas ng panahon, ang panitikang ito’y nagpasalin-salin sa bibig ng mga mamamayan; ito ay napagyaman, hanggang sa naging maunlad ang panulatan at palimbagan at napatala na sa mga aklat – mga akdang kababakasan ng nakalipas na panahon..

 

Salawikain o Sawikain at Kasabihan – karamihan sa mga ito ay may impluwensya ng Arabe, Malay at ng Indo-Tsina.

 

Salawikain o Sawikain – nagtataglay ng talinghaga.  Nagsisilbing mga panuntunan sa buhay – mga bata ng kaugalian at patnubay ng kagandahang-asal.  Binubuo ito ng mga taludtod na karaniwa ay dadalawa, may sukat at tugma at nagbibigay-aral.

 

Halimbawa:

 

Ang bato sakdal man ng tigas

Tubig na malambot ang nakaaagnas.

 

Di man makita ang apoy

Sa aso matutunton.

 

Ang inahing mapagkupkop

Di man anak isusukob.

 

Sabi o Kasabihan – hango sa karunungan ng matatandang may mga karanasan sa buhay.  May himig paalaala, kung minsa’y parang nanunudyo, ang mga ito’y hindi gumagamit ng malalalim na mga talinghaga.  Payak lamang ang kahulugan ng mga ito na kasasalaminan din ng gawi at ugali ng tao.

 

Halimbawa:

 

Anak na di paluhain                                                           Walang sumisira sa bakal

Ina ang patatangisin.                                                           Kundi kanya ring kalawang.

 

Nasa banig                                                                            Ang maniwala sa sabi

Lumipat sa sahig.                                                 Walang bait na sarili.

Kuwalta na

Naging bato pa.

 

Bugtong, Talinghala, Tanaga – sa aklat na Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Padre Juan de Noceda at Pedro de San Lucar, maraming maiikling matulaing pagpapahayag na kinabibilangan ng bugtong, talinghaga, at tanaga.

 

Bugtong – tugmang naghahamon sa tao na mag-isip nang madalian nang walang pagbabatayan kundi ang inilalarawan ng mga salita.  May layunin itong mapasigla ang guniguni at mapatalas ang isip.

 

Halimbawa:

 

Di matingalang bundok                                     Kinalag ang balangkas

Darak ang nakakamot.                                       Sumayaw nang ilagpak.

(BALAKUBAK)                                                                 (TRUMPO)

 

Kakabiyak na niyog                                                            Isang balong malalim,

Magdamag inilibot.                                                             Punung-puno ng patalim.

(BUWAN)                                                                             (BIBIG)

 

Talinghaga – isang payak na metaporang may walong pantig sa bawat taludtod.  Ito ay may sukat at tugma.

 

Halimbawa:

 

Labong ng kawayang bagong tumutubo

Langit na mataas ang itinuturo;

Kapag tumanda na at saka lumago,

Lupang pinagmulan, doon din ang yuko.

 

Tanaga – ayon kina Noceda at Sanlukar, isang tulang may apat na taludtod na pipituhing-pantig at naghahamon din sa isip.

 

Halimbawa:

 

Ang tubig ma’y malalim                    Baging akong kalatkat

Malilirip kung lipdin                                           Kaya ako nataas

Itong budhing magaling                                     Sa balite kumalat               

Maliwag paghanapin.                                         Nakinabang ng taas.

 

Bulong – tulang ginagamit sa panggagamot o pang-iingkanto.

 

Halimbawa:

 

Huwag magagalit, kaibigan,                                              Tabi po, tabi po

Aming pinuputol lamang                                   Huwag pong manununo.

Ang sa ami’y napag-utusan.  

 

Awiting-bayan – tulad ng alinmang tula, ang mga ito ay may sukat at tugma.  Di nakilala ang mga kumatha ng maraming awiting bayan.

 

Itinala ni Epifanio de los Santos Cristobal ang sumusunod na awiting-bayan:

 

  1. suliranin (awit sa paggaod)
  2. talindaw (awit sa pamamangka)
  3. diona (awit sa panliligaw at pagkakasal)
  4. oyayi o ayayi (awit sa paghehele)
  5. kumintang (awit sa pakikidigma; nang lumao’y naging awit sa pag-ibig)
  6. sambotani (awit sa pagtatagumpay)
  7. kundiman (awit ng pag-ibig)
  8. dalit (himno)

 

Epiko – mga tulang-salaysay tungkol sa mga bayani at sa kanilang kabayanihan.  Ang mga bayaning ito ay tila mga bathala sa pagtataglay ng kapangyarihan.  Ang mga epiko ay paawit kung isalaysay.  Sinasabing ang mga epiko ng mga Bisaya, Tagalog, Iluko, Ifugao, at Bikol ay napasulat sa Alibata, samantala ang epiko ng Mindanao ay nakasulat sa Sanskrito.

 

Halimbawa:

  1. Hudhud (Ifugao)
  2. Ibalon (Bikol)
  3. Biag ni Lam-ang (Ilokano)
  4. Maragtas (Hiligaynon-Iraya)

Akdang Panrelihiyon

 

  1. Doctrina Cristiana – Ito ang kauna-unahang aklat na nilimbag sa Pilipinas.  Nilimbag ito sa pamamagitan ng silograpiya noong 1593.
  2. Nuestra SeƱora del Rosario – sinulat ito at inilimbag ni Pari Blancas de San Jose, O.P., noong 1602 sa Imprenta ng Santo Tomas.
  3. Barlaan at Josaphat – sinulat ito ni Pari Antonio de Borja, S.J., at inilathala noong 1708 at muli noong 1712.  Ito ay batay sa sa mga salaysay mula sa Bibliya.  Ipinalalagay na ito ang kauna-unahang nobelang Tagalog kahit salin lamang.
  4. Pasyon – sa panahon ng kuwaresma, ang buhay at pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo ay inaawit. 
  5. Mga Dalit kay Maria – sabayang inaawit bilang handog kung buwan ng Mayo sa pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen. 

 

Pari Modesto de Castro – dahil sa kanyang Urbana at Feliza, tinagurian siyang “Ama ng Tuluyang Klasika sa Tagalog.”

LET REVIEWER

Introduksyon sa Pagsasalin

Overview: Pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay naglalayong paunlarin ang kasanayan sa pagsasalin na ginagabayan ng pananaliksik (saliksik...