Search This Blog

Showing posts with label Nobela. Show all posts
Showing posts with label Nobela. Show all posts

April 14, 2022

TITSER Ni: Liwayway A. Arceo

Pamagat: Titser
Awtor: Liwayway A. Arceo
Uri ng Panitikan: Nobela, isang serye mula sa magasing Liwayway noong 1950's
Taon ng Paglalathala: 1995
Tema: Pakikialam ng ina sa pag-aasawa at propesyon ng anak, pag-iibigan ng dalawang  guro sa kabila ng kahirapan.


MGA TAUHAN:

·         Si Aling Rosa ay ang ina ni Amelita. Ang antagonista sa kuwento.

·         Si Amelita ay isang dalagang 'public school' titser, bunso sa lima na anak ni Aling Rosa. Umiibig kay Mauro. Nagpamalas ng kakaibang katapangan sa pagpapahayag ng ibang desisyon sa kabila ng ibang plano nanais ng ina para sa kanya. Ang protagonista sa kuwento.

·         Si Mang Ambo ang asawa ni Aling Rosa. Maunawain na ama ni Amelita na mas nakakaintindi kaysa sa kanyang ina.

·         Si Osmundo ay isang makisig na binata, nagmula sa isang mayaman at respitadong pamilya. Umiibig sya kay Amelita ngunit ayaw sa kanya ni Amelita dahil siya ay arogante at maka-mundo.

·         Si Mauro naman ay isa din 'public school' titser hindi man siya mayaman pero minamahal parin siya ni Amelita. Mabait, at may galang sa lahat ng tao. Siya ang inspirasyon ni Amelita noong naging guro niya ito para pasukin ang mundo ng pagtuturo. Si Mauro ay isang mabait na asawa at matulungin sa kapwa. Mas priyoridad niya ang kanyang pamilya kaysa ibang bagay. Protagonista sa kwento.

·         Rosalida (Lida) – Ang matalino at mapagmahal na anak nina Mauro at Amelita. Pinagmulan ng pangalan niya ang kanyang dalawang lola na sina Ida atRosa habang ang “L” naman ay hinuha kay Amelita.

·         Aling Idad – Ang ina ni Mauro na bukas loob na tinanggap si Amelita at itinuring para ring isang tunay na anak.

 

 

Ano ang teoryang humanismo?

 

            Ang pokus ng teoryang humanismo ay ang tao. Naniniwala ang mga humanista na ang tao ang sukatan ng lahat ng bagay kung kaya't mahalagang maipagkaloob sa kanya ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin at kalayaan sa pagpapasya. Gaya ng ipinahahayag ni Protagoras, "Ang tao ang sentro ng daigdig, ang sukatan ng lahat ng bagay at ang panginoon ng kanyang kapalaran.

            Ninanais ng tao na sa kanyang pakikiraan sa daigdig na ito ay may bakas siyang maiiwan upang ang kanyang buhay ay magkaroon ng kabuluhan at malinaw na pagkilala sa isang di maikukubling kasaysayan.

            Katotohanan kaysa kagandahan ang mababakas sa teoryang ito. Kahit sino, ano mang bagay at lipunan ay dapat makatotohanan ang paglalarawan o paglalahad. Nagpapahayag din ito ng pagtanggap sa katotohanan o realidad.

 

SULIRANIN:

            Tutol ang ina ni Amelita na si Aling Rosa sa pag kuha ni Amelita ng kursong edukasyon at ayaw rin ni Aling Rosa kay Mauro dahil si Mauro ay isa lang daw na tagapagturo sa paaralan na kakaramput lang  ang isinisweldo at nais rin ipakasal ni Aling Rosa ang kanyang anak na si Amelita kay Osmundo.

 

BUOD:

Ang nobelang Titser ni Liwayway Arceo ay sumesentro sa buhay ng mag-asawang Amelita at Mauro na kapwa pinili ang propesyon ng pagtuturo. Nakapokus ang naratibo sa mariing di-pagsangayon ni Aling Rosa, ang ina ni Amelita, sa pagsasamahan ng dalawa. Sapagkat ang kanyang apat na anak ay nakapagtapos sa kolehiyo ng may "titulo," tutol si Aling Rosa sa pagkuha ng kursong edukasyon ng kanyang bunso, dala na rin ng kaisipang hindi titulong maituturing ang pagiging "titser", bukod pa sa kakarampot na sweldong nakukuha ng anak. Gayunpaman, nakahanap ng pag-asa si Aling Rosa sa katauhan ni Osmundo, isang binata mula sa pamilya ng mga haciendero na sumusuyo kay Amelita. Subalit nabigo muli si Aling Rosa sapagkat iba ang iniibig ng kanyang dalaga, at ito'y walang iba kung hindi si Mauro, isang ring guro sa pampublikong paaralan.


            Nang malaman na ipapakasal siya ni Aling Rosa sa binatang si Osmundo, agad na nagkipagisang dibdib si Amelita kay Mauro. Dahil sa pagkabigo, at dahil na rin sa poot sa bunsong anak, umalis si Aling Rosa sa probinsya at nagbakasyon sa mga anak na nasa Maynila. Bagamat doon ay hindi siya inaaasikaso ng mga anak, labis pa rin ang kanyang kaligayahan dahil sa asensong tinatamasa ng mga ito, at ikinakatwiran na lamang sa sarili na talagang abala ang mga taong mauunlad ang buhay. Samantala, sa probinsya, nagdesisyon rin ang binatang si Osmundo na umalis na sa nayon at magtungo sa Estados Unidos. Ngunit bago mangyari ito ay gumawa siya ng maitim na plano laban sa mga bagong kasal. Inutusan niya ang isa sa mga katiwala na patayin si Mauro. Subalit wala sa kaalaman ni Osmundo na hindi ito ginawa ng kanyang inutusan sapagkat ang anak nito ay minsan ring pinagmalasakitan ng gurong si Mauro. 


            Nasa ikapitong buwan pa lamang ng pagdadalantao si Amelita nang ipinanganak ang kanilang anak na si Rosalida. Dahil kulang sa buwan ang bata ay kailangan nitong manatili sa ospital. Nalaman ito ni Aling Rosa at agad na binisita ang anak, sa kabila ng hinanakit. Kahit ganito ang sitwasyon, hindi pa rin tumitigil ang ina ni Amelita sa pagsasaring ukol sa mahirap na pamumuhay ng mag-asawa. Ipinamumukha pa rin niya ang matinding pagtutol sa manugang na si Mauro. 


            Lumipas ang ilang taon. Lumaki si Rosalida na isang mabait at matalinong bata. Isang araw ay nagbalik si Osmundo sa probinsya, at nagkaroon ng malaking pagdiriwang para sa kanyang pagdating. Doon muling nagkatagpo sina Mauro at Osmundo, subalit kinalimutan na ng dalawa ang nakaraan. Taliwas naman dito ang nadaramang pangamba ni Amelita sa pagbabalik ng masugid na panliligaw. Nararamdaman nitong may plano itong masama laban sa kanyang pamilya. 


            Hindi pa rin nawawala ang pag-ibig ni Osmundo kay Amelita, kahit na may asawa't anak pa ito. Nagkaroon ng pagkakataong makilala niya si Rosalida, at naging magaan ang loob nito sa bata. Isang araw ay naisipang ipasyal ni Osmundo si Rosalida sa kanyang hasyenda. Wala ito sa kaalaman nina Mauro at Amelita, at labis na nag-alala ang mag-asawa. Buong akala nila'y si Rosalida ang paghihigantihan ni Osmundo ngunit di naglaon ay nagbalik rin ang bata, ipinagmamalaki pa ang kabaitang ginawa ni Osmundo. Di nagtagal, napagkuro na rin ni Osmundo na tuluyan ng tumira sa ibang bansa at kalimutan ang minamahal na si Amelita. 


            Nagkaroon ng malubhang karamdaman si Aling Rosa. Hinanap niya ang kanyang mga anak ngunit wala ni isa mang dumating maliban kay Amelita na matiyagang nag-asikaso sa kanya. Pawang gamot at padalang pera lamang ang ipinaabot ng apat na anak. At doon natauhan ang matanda sa kanyang pagkakamali. 


April 13, 2022

MGA TAUHAN SA NOLI ME TANGERE

 

Crisostomo Ibarra
binatang nag-aral sa Europa; nangarap na makapagpatayo ng paaralan upang matiyak ang magandang kinabukasan ng mga kabataan ng San Diego

Elias
piloto at magsasakang tumulong kay Ibarra para makilala ang kanyang bayan at ang mga suliranin nito

Kapitan Tiyago
Mangangalakal na tiga-Binondo; ama-amahan ni Maria Clara

Padre Damaso
isang kurang Pransiskano na napalipat ng ibang parokya matapos maglingkod ng matagal na panahon sa San Diego

Padre Salvi
kurang pumalit kay Padre Damaso, nagkaroon ng lihim na pagtatangi kay Maria Clara

Maria Clara
mayuming kasintahan ni Crisostomo; mutya ng San Diego na inihimatong na anak ng kanyang ina na si Doña Pia Alba kay Padre Damaso

Pilosopo Tasyo
maalam na matandang tagapayo ng marurunong na mamamayan ng San Diego

Sisa
isang masintahing ina na ang tanging kasalanan ay ang pagkakaroon ng asawang pabaya at malupit

Basilio at Crispin
magkapatid na anak ni Sisa; sakristan at tagatugtog ng kampana sa simbahan ng San Diego

Alperes
matalik na kaagaw ng kura sa kapangyarihan sa San Diego

Donya Victorina
babaing nagpapanggap na maging mestisang Kastila kung kaya abut-abot ang kolorete sa mukha at maling pangangastila

Donya Consolacion
napangasawa ng Alperes; dating labandera na may malaswang bibig at pag-uugali

Don Tiburcio de Espadaña
isang pilay at bungal na Kastilang napadpad sa Pilipinas sa paghahanap ng magandang kapalaran; napangasawa ni Donya Victorina

Linares
malayong pamangkin ni Don Tiburcio at pinsan ng inaanak ni Padre Damaso na napili niya para mapangasawa ni Maria Clara

Don Filipo
Tinyente mayor na mahilig magbasa na Latin; ama ni Sinang

Señor Nol Juan
namahala ng mga gawain sa pagpapatayo ng paaralan

Lucas
taong madilaw na gumawa ng kalong ginamit sa di-natuloy na pagpatay kay Ibarra

Tarsilo at Bruno
magkapatid na ang ama ay napatay sa palo ng mga Kastila

Tiya Isabel
hipag ni Kapitan Tiago na tumulong sa pagpapalaki kay Maria Clara

Donya Pia
masimbahing ina ni Maria Clara na namatay matapos na kaagad na siya'y maisilang

Iday, Sinang, Victoria, at Andeng
mga kaibigan ni Maria Clara sa San Diego

Kapitan-Heneral
pinakamakapangyarihan sa Pilipinas; lumakad na maalisan ng pagka-ekskomunyon si Ibarra

Don Rafael Ibarra
ama ni Crisostomo; nakainggitan nang labis ni Padre Damaso dahilan sa yaman kung kaya nataguriang erehe

Don Saturnino
nuno ni Crisostomo; naging dahilan ng kasawian ng nuno ni Elias

Mang Pablo
pinuno ng mga tulisan na ibig tulungan ni Elias

Kapitan Basilio
ilan sa mga kapitan ng bayan sa San Diego Kapitan Tinong at Kapitan Valentin

Tinyente Guevarra
isang matapat na tinyente ng mga guwardiya sibil na nagsalaysay kay Ibarra ng tungkol sa kasawiang sinapit ng kanyang ama

Kapitana Maria
tanging babaing makabayan na pumapanig sa pagtatanggol ni Ibarra sa alaala ng ama

Padre Sibyla
paring Agustino na lihim na sumusubaybay sa mga kilos ni Ibarra

Albino
dating seminarista na nakasama sa piknik sa lawa

Ang Pag-unlad ng Nobela

 


Ang Pag-unlad ng Nobela

 

  • Ang kauna-unahang nobelang Tagalog na ipinalimbag sa anyong aklat ay ang Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez Peña; inilimbag ito noong 1905.  Isusunod na sana ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na labis na pinananabikang mabasang muli, subalit dahilan sa kakapalan nito, nauna ang Miminsan Akong Umibigi ni Valeriano Hernandez Peña na lumabas noong 1906.  Sumunod na rin nang taon din iyon ang Banaag at Sikat ni Santos.
  • Ang Kathambuhay o nobela ay isang sangay ng panitikang naglalahad ng maraming pangyayaring kinasasangkutan ng isa o dalawang pangunahing tauhan at iba pang katulong na mga tauhan at ang buong pangyayari ay sumasaklaw nang higit na mahabang panahon kaysa maikling katha.

 

Ang Panahong Ginto ng Nobelang Tagalog

 

  • Panahong saklaw ng unang dalawampung taon, nasulat ang mga nobelang nagtataglay ng mga katangiang kasalaminan ng panahon at umayon sa layuning “makapagturo ng mabuti, makapaghimaton ng pag-iwas sa mga sakuna at kasawian sa buhay, makapagbinhi ng mabuting kaugalian at makapagpaunlad ng isip.”   Sa palagay ni Regalado, “hindi maitatanggi ng sino man na ang nobekang Tagalog ay nagkaroon ng Panahong Ginto…at ang panahong iyon ay sumasaklaw sa mga taong buhat sa 1905 hanggang 1921.”

 

Ang Maikling Kuwento

 

  • Ang anyo ng maikling kuwento ay nakilala lamang sa Pilipinas ng mgaunang taon ng ika-20 siglo nang narito na ang mga Amerikano.  Ang mga unang anyo ng maikling kuwento ay ang (1) dagli, na ang himig ay nangangaral.  Ang mga ito’y namumuna at nanunuligsa, at (2) pasingaw o munting kasaysayan na nagpapahayag ng pag-ibig sa mga nililigawan o hinahangaang paraluman. 
  • Ang maikling kuwento ay isang sangay ng panitikang naglalahad ng isang natatangi at mahalagang pangyayari sa buhay ng isang pangunahing tauhan s aisang takdang panahon.

 

Sangkap ng Maikling Kwento:

 

  1. Paksang-diwa o tema – pangunahing kaisipan ng kuwento, ng isang pangkalahatang pagmamasid sa buhay ng may-akda na nais niyang ipabatid sa mambabasa.
  2. Banghay – balangkas o istruktura ng mga pangyayaring kinapapalooban ng mga kilos, pagkahubog ng tauhan, tunggalian at mga hadlang, at mga detalye na buhat sa simula ay mabilis sa pag-akyat sa kasukdulan.  Ito ay mabilis na sinusundan ng wakas.  
  3. Katimpian – higit na masining ang matimping paglalarawan ng damdamin. 
  4. Paningin – pananaw na pinagdaraanan ng mga pangyayari sa isang katha.  Ito ang kahulugan ng paningin.

 

Apat na paraan ng pagsasalaysay ng kuwento ayon sa paningin ng nagpapahayag:

a.         Paningin sa Unang Panauhan – sumasanib ang may-akda sa isa sa mga tauhan na siyang nagsasalaysay sa unang panauhan.

b.        Paningin sa Pangatlong Panauhan – pangatlong panauhan ang ginamit ng manunulat sa pagsasalaysay ng mga pangyayari sa kuwento.  Ang isipan at damdamin ng mga tauhan ay maaari niyang utusan.

c.         Itinakdang Obhetibong Paningin – maaaring ang pangunahing tauhan o ang alin man sa mga katulong na tauhan ang tauhang nagsasalaysay.

d.        Obhetibong Paningin – ang tagapagsalaysay ay nagsisilbing isang kamera na malatang nakalilibot subalit maitatala lamang nito ang tuwirang nakikit at naririnig.

 

  1. Pahiwatig – nagiging malikhain ang mga mambabasa sapagkat naiiwan sa kanyang guniguni o imahinasyon sa mga pangyayaring nagaganap o maaaring maganap sa kuwento.
  2. Simbolo – ito ang mga salita na kapag binanggit sa isang akda ay nag-iiwan ng iba’t ibang pagpapakahulugan sa mambabasa.  Halimbawa, ang puti ay kumakatawan sa kalinisan o kawagasan.

 

Deogracias A. Rosario – Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog

 

Sanaysay

 

  • Naglalarawan ng mga kuru-kuro at pansariling kaisipan ng isang manunulat.  Ang sanaysay ay maaaring maanyo (pormal) at maaari namang malaya (di-pormal o personal). 
  • Ang salitang sanaysay ay salitang-likha ni Alejandro G. Abadilla (AGA).  Ayon sa kanya, ito ay pinagsanib na mga salitang pagsasalaysay ng isang sanay o nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay.  Di gaya ng maraming salitang-likha, ang sanaysay ay dagling tinanggap ng bayan.

 

Dalawang uri ng Sanaysay:

 

  1. maanyo o pormal – tanging layunin nito ay magbigay ng kaalaman
  2. malaya o di-pormal – higit na kaaliw-aliw na basahin dahil sa ang mga salitang ginamit ay madaling maintindihan at ang paksa ay karaniwan.

 

Talambuhay

 

  • Naglalahad ng mahahalagang pangyayari sa buhay o kasaysayan ng isang tao.  Kapag ang talambuhay ay nauukol sa taong siyang sumulat, ito ay tinatawag na pansariling talambuhay (autobiography).

 

Pangulong Tudling

 

  • Naglalahad ng kuru-kuro ng patnugot ng isang pahayagan.  Ang mga pitak ng mga kolumnista ay kahawig ng pangulong tudling, lamang, ang kuru-kuro ng patnugot ay higit na matimbang o may bigat at siyang kuru-kuro na ng pahayagan.

 

Panahon ng Hapones (1942-1944)

 

  • Marami ang nagsasabing “gintong panahon” daw ng maikling kuwento at ng dulang Tagalog ang panahong ito.  Sa panahong ito, halos ipinagbawal ang Ingles ng mga mananakop kung kaya’t naging luwalhati naman ng wikaing Tagalog ang pangyayaring ito.
  • Sa pangangasiwa ng Surian ng Wikang Pambansa, ang pinakamahusay na maikling kuwento ng panahong iyon ay pinili.  Ang tatlong kuwentong nanguna ay ang mga sumusunod:  “Lupang Tinubuan” ni Narciso G. Reyes, “Uhaw ang Tigang na Lupa” ni Liwayway Arceo, at “Lunsod, Nayon at Dagat-dagatan” ni N.V.M. Gonzales.
  • Tatlong uri ng tula ang namalasak noong panahon ng Hapon:  Karaniwang anyo, malayang taludturan, na ang pinakamarami ay haiku at tanaga.

 

Tanaga – isang uri ng tulang Tagalog noong unang panahon na sa katipiran ng pamamaraan ay maihahalintulad sa Haiku ng mga Hapones, bagamat lalong maikli ang haiku.  Ang tanaga ay may sukat at tugma.  Ang bawat taludtod ay may pitong (7) pantig.

 

Halimbawa:

 

Palay

 

Palay siyang matino

Nang humangi’y yumuko,

Ngunit muling tumayo;

Nagkabunga ng ginto.     

 

Gawad Pambansang Alagad ng Sining (Panitikan)

Amado V. Hernandez                         -               1973

Jose Garcia Villa                  -               1973

Nick Joaquin                                        -               1976

Carlos P. Romulo                -               1982

Francisco Arcellana                            -               1990

Levi Celerio                                          -               1997 (Musika at Panitikan)

N.V.M. Gonzalez                -               1997

Edith L. Tiempo                  -               1999

F. Sionil Jose                                        -               2001

Virgilio S. Almario                             -               2003

Alejandro R. Roces                             -               2003 

LET REVIEWER

Introduksyon sa Pagsasalin

Overview: Pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay naglalayong paunlarin ang kasanayan sa pagsasalin na ginagabayan ng pananaliksik (saliksik...