Teorya
- Ito ang pormulasyon ng palilinawing mga prinsipyo ng mga tiyak na penomena, paniniwala, o ideya upang makalikha ng isang sistematikong paraan ng pagpapaliwanag ng mga ito.
Teoryang Pampanitikan
- Ang pagbabalangkas ng mga prinsipyo na
magpapaliwanag sa pinagmulan at kalikasan ng panitikan, ano ito ngayon at
ano dapat ito, papaano ito nalikha at papaano ito nagagamit ng lipunan.
- Isang sistema ng mga kaisipan at mga kahalagahan na nagbibigay-kahulugan sa kalikasan at tungkulin ng panitikan pati na sa proseso ng paglikhang masining, at mga layunin ng may-akda at ng tekstong pampanitikan.
Teoryang Klasisismo
- Pagtuklas at pagtanaw sa katotohanan, kagandahan, at kabutihan ang nilalayon ng klasisismo. Hinahangad nito na palawakin ang pananaw at pang-unawa ng matwid na tao, at makamtan yaong tinatawag na grandeur d’ame o pagkadakila ng pagkatao. At dahil ang tao ay sadyang may katutubong karupukan, kinakailangan din na ang panitikan ay makatulong sa paglilinis o pagpupurga sa kalooban at niloloob upang lalong makatulong sa pagkakamit ng kadakilaan ng katauhan.
Teoryang Humanismo
- Walang higit pang kawili-wiling paksa kaysa tao. Kung pumasok man ang kalikasan sa sining ay upang lalong mapalitaw ang mga katangian ng tao. Ang Diyos man ay nagiging makabuluhan sa daigdig dahil sa tao sapagkat kung walang tao sa daigdig, walang makakaisip ng anuman tungkol sa Diyos. Hindi nito sinasabi na higit na dakila ang tao kaysa Diyos. Isinesentro lamang nito sa daigdig ang tao.
Teoryang Romantisismo
- Higit na pinahahalagahan ang “damdamin”
kaysa ideyang siyentipiko o may batayan.
Nananalig ang mga romantisista sa Diyos; naniniwala sila sa
katwiran, siyensya, eksperimento at obserbasyon (empirisismo); materyal
din ang tingin nila sa kalikasan at santinakpan. Ngunit para sa kanila, kulang pa at
hindi maipaliliwanag o nasasagot ng mga ito ang mga tanong at mga
karanasan tungkol sa puso.
Teoryang Realismo
- Higit na mahalaga ang katotohanan kaysa kagandahan. Hinahangad nito ang katotohanan at ang makatotohanang paglalahad at paglalarawan ng mga bagay, mga tao at lipunan, at alin pa mang maaaring mapatunayan sa pamamagitan ng ating mga sentido. Ang paraan ng paglalarawan ang susi, at hindi ang uri ng paksa. Naniniwala ang realismo na ang pagbabago ay walang hinto.
Teoryang Naturalismo
- Pinalawak ng naturalismo ang saklaw ng realismo. Tinangka kasi ng naturalismo ang mas “matapat, di-piniling representasyon ng realidad, isang tiyak na hiwa ng buhay na ipinakita nang walang panghuhusga”. Dahil sa walang muwang na “scientific determinism,” binigyang-diin ng naturalismo ang namana (o aksidente) at pangpisikal na likas ng tao kaysa mga katangian niyang pangmoral o rasyonal. Naipakitang ang mga indibidwal ay produkto ng pinanggalingan at kapaligiran.
Teoryang Formalismo
- Ang isang akda ay may sariling buhay at umiiral sa sarili nitong paraan. Nasa porma o kaanyuan ng isang akda ang kasiningan nito. Ang porma ay binubuo ng imahe (gamit ng lengguwahe na kumakatawan sa mga bagay, aksiyon at mga ideyang abstrakto), diksiyon (pagpili ng mga salita at paraan ng pagkakaayos nito), sukat, tugma, at iba pa. Kailangang magkasama ang porma at ang nilalaman upang magkaroon ng buong kahulugan ang isang akda.
Teoryang Imahismo
- Malaya ang makatang pumili ng anumang nais
na paksain ng kanyang tula.
Gumagamit ng wika o salitang pangkaraniwan. Kailangang angkop at tiyak ang bawat
salita, at walang hindi kinakailangang palamuti. Ang imagism, isang
tradisyon ng panulaang modernista na sadyang tiwalag sa tradisyon ng
pangangaral o pang-aliw bilang akdang pansining ay may bukod-tanging
kairalan, at hindi ito kailangang ipasailalim sa anumang layuning hindi
makasining. Wika nga, “Art for
art’s sake”.
Teoryang Siko-Analitika
- Masalimuot ang teorya ni Freud. Sa pinakamadaling sabi, ang panitikan sa kanya ay ang kabuuan ng kamalayan at di-kamalayan: lumalabas dito ang mga bagay na di masasabi o maisusulat ng makata nang tuwiran sa harap ng ibang tao.
Arketipal na Pananaw
- o mitolohikal na oryentasyon. Ito ay isa pang pagdulog na tila kawangis ng sikolohikal na pananaw. Tulad ng sikolohikal na pananaw, nakapako ang atensiyon nito sa paraan ng paglikha at ang epekto nito sa mambabasa. Subalit waring higit na malawak ang larangang sinusuyod ng arketipong pananaw sapagkat buong kalipunan ng mga sagisag at imaheng palagiang lumilitaw sa mga teksto ng pandaigdigang kultura ang pinagpapakuan nito ng masusing pansin.
Teoryang Eksistensiyalismo
- Tulad ng romantisismo, ito ay mahilig sa eksperimentasyon tungo sa “tunay” na buhay at pananalita o ekspresyon. Sinusuri nito ang lahat ng bagay bilang “lived facts”; wala itong dini-diyos at itinuturing na dapat igalang (sacred) maliban sa kalayaan, pagka-responsable at indibidwalismo ng bawat tao – ng manunulat o ng mambabasa. Walang makapagsasabi ng kung alin ang tama o mali, totoo o malikmata, importante o walang silbi, maliban sa taong nakararanas sa pinag-uusapan.
Teoryang Istrukturalismo
- Iisa ang simulain ng teoryang ito: ang pagpapatunay na ang wika o lengguwahe, ay hindi lamang hinuhubog ng kamalayang panlipunan kundi humuhubog din sa kamalayang panlipunan. Nakabaon ang panlipunang kamalayan sa paggamit ng wika (social discourse) o paggamit sa mga salita ayon sa mga kinikilalang tuntunin at pagsasapraktikang panlipunan (social conventions).
Teoryang Dekonstruksiyon
- Binibiyang-diin sa teoryang ito ang
kamalayan ng manunulat at ng mambabasa bilang mga produkto ng social
discourse na nakasulat. Ito ay
naangkop sa panitikang nakasulat bilang produkto ng isang tiyak na
may-akda na tagapagdala o tagapagingat ng isang tradisyong
pang-intelektuwal at pampanitikan.
Ang kahulugan ng isang tekto ay nasa kamalayang gumagamit sa
teksto, at hindi sa teksto mismo.
Teoryang Moralistiko
- Pinalalagay na ang akda ay may kapangyarihang maglahad o magpahayag hindi lamang ng literal na katotohanan kundi ng mga panghabambuhay at unibersal na mga katotohanan at mga di-mapapawing pagpapahalaga (values). Pinahahalagahan ang panitikan di dahil sa mga partikular na katangian nito bilang likhang-isip na may sinusunod na sariling mga batas at prinsipyo sa kanyang pagiging malikhain, kundi dahil sa mga aral na naidudulot nito sa mga nakikinig o bumabasa.
Teoryang Historikal/Sosyolohikal
- Di teksto bilang teksto ang lubusang pinagtutuunan ng pansin kundi ang kontekstong dito’y nagbigay-daan; hindi ang partikular na kakanyahan lamang ang sinusuri kundi ang mga impluwensiyang dito ay nagbigay-hugis—ang talambuhay ng awtor, ang politikal na sitwasyon sa panahong naisulat ang akda, ang mga tradisyon at kombensiyon na maaaring nakapagbigay sa akda ng mga katangian.
Marxistang Pananaw
- Ang panitikan ay tinitignan bilang instrumento ng pagbabago, o bilang behikulo na magagamit upang mabuksan ang isipan ng tao sa kanilang kalagayang api.
Feministang Pananaw
·
Pinagtutuunan ng pananaw Feminismo
ang kalagayan o representasyon ng kababaihan sa isang akda. Layunin nito na baguhin ang mga de-kahong
imahen o paglalarawan sa kababaihan sa anumang uri ng panitikan. Layunin ng pananaw na ito na masuri ang mga
akdang pampanitikan sa paningin o perspektiba ng babae. Dahil sa matagal na panahon, halos mga lalaki
ang nagsusuri kung kaya hindi man maka-lalaki ang pananaw, ay nagtatanghal
lamang ng mga nagawa ng kalalakihan.