Kahulugan ng wika
Linggid sa ating kaalaman na hindi maitatanggi sa mga tao dito sa mundo ang kahalagahan ng wika. Ito ang naging daan upang maibahagi sa isa’t isa ang kani-kanilang mga ninanais at niloloob. Ayon kina Espina at Borja (1999:1), ang wika ay isang mahalagang kasangkapan upang maipahayag ng tao ang kanyang damdamin at kaisipan. Ang kakayahan sa paggamit ng wika na nasasalig sa isipan, damdamin at kilos ng tao ay resulta ng isang dinamikong prosesong bunga ng kanyang karanasan—kabiguan, tagumpay, pakikipagsapalaran at maging ng kanyang mga pangarap at mithiin.
Kung hindi maipahahayag ng tao ang kanyang mga ideya at niloloob, anong uri kaya ng lipunan mayroon tayo? Walang makabuluhang gawaing pantao ang maaaring maganap kung hindi niya maipababatid ang kanyang iniisip gayon din kung hindi niya mauunawaan ang nais ipahayag ng iba.
Ano nga ba ang wika? Bakit ito’y totoong napakakomplikado at tunay na may kapangyarihan? Ilan lang ito sa mga katanungan na hindi karaniwang pinag-iisipan o ipinaliliwanag dahil seguro sa pagiging natural lang sa tao ang pagkatuto, pagkakaroon at tuluyang paggamit ng kanyang wika mula pagkabata. Ito ay kung wala siyang naging kapansanan para hindi matuto ng wika o kaya’y para matigil ang kanyang paggamit ng wikang kinagisnan.
Ang mga dalubhasa ay may iba’t ibang pakahulugan sa wika.
Ayon kay Edward Sapir, ang wika ay isang likas at makataong pamamaraan ng paghahatid ng mga kaisipan, damdain at mithiin.
Si Carroll (1964) ay nagpapahayag na ang wika ay isang sistema ng mga sagisag na binubuo at tinatanggap ng lipunan. Ito ay resulta ng unti-unting paglilinang sa loob ng maraming dantaon at nagbabago sa bawat henerasyon, ngunit, sa isang panahon ng kasaysayan, ito ay tinutukoy na isang set ng mga hulwaran ng gawi na pinag-aaralan o natutuhan at ginagamit sa iba’t ibang antas ng bawat kasapi ng pangkat o komunidad.
Ayon kay Todd (1987) ang wika ay isang set o kabuuan ng mga sagisag na ginagamit sa komunikasyon. Ang wikang ginagamit ng tao ay hindi lamang binibigkas na tunog kundi ito’y sinusulat din. Ang mga tunog at sagisag na ito ay arbitraryo at sistematiko. Dahil dito ay ayon sa kanya, walang dalawang wikang magkapareho bagamat bawat isa ay may sariling set ng mga tuntunin.
Ayon din kay Archibald A. Hill sa kanyang papel na What is Language? Ang wika raw ay ang pangunahin at pinakaelaboreyt na anyo ng simbolikong gawaing pantao. Ang mga simbolong ito ay binubuo ng mga tunog na nalilikha ng aparato sa pagsasalita at isinasaayos sa mga klase at pattern na lumilikha sa isang komplikado at simetrikal na istruktura. Ang mga simbolong ito ay mayroon ding kahulugang arbitrayo at kontrolado ng lipunan.
Marami pang mga kahulugan ang mailalahad ng mga dalubhasa tungkol sa wika. At ang mga kahulugang ito ay maiisa batay sa kahulugang ibinigay ni Gleason tungkol sa wika. Ayon sa kanya, ang wika raw ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na pinipili at isinasaayos sa paraang arbitraryo upang magamit ng mga taong kabilang sa isang kultura.
Katangian ng wika
Batay sa mga kahulugan ng wika na inilahad ng mga dalubhasa, matutukoy ang mga pangunahin at unibersal na katangian ng wika na tatalakayin sa mga sumusunod na talata:
- Ang wika ay masistemang balangkas. Ano mang wika sa daigdig ay sistematikong nakasaayos sa isang tiyak na balangkas. Walang wika ang hindi nakaayon sa balangkas na ito. Lahat ng wika ay nakabatay sa tunog. Ponema ang tawag sa makahulugang tunog ng isang wika samantalang ponolohiya naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga ito. Kapag ang ponemang ito ay pinagsama, maaaring makabuo ng maliliit na yunit ng salita na tinatawag na morpema. Ang morpemang mabubuo ay maaaring isang salitang-ugat, panlapi o morpemang ponema katulad ng ponemang /a/ na sa wika natin ay maaaring magpahiwatig ng kasariang pambabae. Morpolohiya naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga morpema. Samantala, kapag ang mga salita ay ating pinag-ugnay, maaari naman tayong makabuo ng mga pangungusap. Sintaksis naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga pangungusap. Kapag nagkaroon ng ng makahulugang palitan ng mga pangungusap ang dalawa o higit pang tao ay nagkakaroon na ng tinatawag na diskurso.
- Ang wika ay binubuo ng mga sagisag o simbolo. Kapag nagsasalita tayo, ang bawat salitang binibigkas natin ay isang serye ng mga tunog na kumakatawan sa isang bagay (lapis, bag, papel), ideya (pag-aaral, katotohanan), damdamin (pag-ibig, kaligayahan) o isang fangsyon (si, nang, ni).
- Ang wika ay mga sagisag na binibigkas. Hindi lahat ng tunog ay wika sapagkat hindi lahat ng tunog ay may kahulugan. Sa mga tao, ang makahulugang tunog na nalilikha natin at kung gayo’y kasangkapan ng komunikasyon sa halos lahat kung hindi man lahat ng pagkakataon ay ang tunog na sinasalita. Samakatwid, ang mga tunog na nalilikha ng ating aparato sa pagsasalita ay nagmumula sa hanging nanggagaling sa baga o ang pinanggagalingan ng lakas o enerhiya, nagdaraan sa pumapalag na bagay na lumilikha ng tunog o artikulador at minomodipika sa resonador. Upang magiging makabuluhan ang nabuong tunog, kailangan itong mabigkas nang mabuti upang makilala ng tagapakinig ang pagkakaiba ng mga tunog. Ang paraang pasulat ay representasyon lamang ng mga tunog na sinasalita.
- Ang wika ay arbitraryong simbulo at tunog. Ang salitang arbitraryo ay nangangahulugang walang tiyak na batayan. Ibig sabihin ang pagbuo ng mga simbulo at tunog na kumakatawan sa kahulugan ng bagay, ideya at kaisipan ay walang tiyak na batayan o tuntuning sinusunod. Ito’y pinagkakasunduan ng mga tao sa tiyak na pook o pamayanang gumagamit ng wika. Kaya magkakaiba ng mga salitang ginagamit ang iba’t ibang pook tulad ng salitang rice sa Ingles, arroz sa Kastila, bugas sa Cebuano, bigas sa Tagalog, at abyas sa Kapampangan. Kung gayon, ang mga taong walang ugnayan sa isang komunidad ay hindi matutong magsasalita kung paanong ang mga naninirahan sa komunidad na iyon ay nagsasalita sapagkat ang esensya ng wika ay panlipunan.
- Ang wika ay ginagamit. Ang wika ay kasangkapan sa komunikasyon at katulad ng iba pang kasangkapan, kailangang tuluy-tuloy itong ginagamit. Ang isang kasangkapang hindi na ginagamit ay nawawalan na ng saysay. Gayon din ang wika. Kapag ang wika ay hindi na ginagamit, unti-unting mawawala at tuluyang mamamatay.
- Wika ay nakabatay sa kultura. Nagkakaiba ang wika sa daigdig dahil na rin sa pagkakaiba ng kultura ng mga bansa at mga pangkat. Ito ang naging paliwanag kung bakit may mga kaisipan sa isang wika ang walang katumbas sa ibang wika sapagkat wala sa kultura ng ibang wika ang kaisipang iyon ng isang wika. Katulad ng sa Ingles at Filipino. Sa Ingles ay may iba’t ibang formation ng ice na maaaring tumbasan sa Filipino ng nyebe at yelo. Ngunit may maging panumbas pa ba sa glacier, icebergs, frozt, hailstorm at iba pa? Wala, sapagkat hindi naman bahagi ng ating kultura ang mga formations na ito. Samantala, ano naman ang katumbas sa Ingles ang ating palay, bigas at kanin? Rice lamang dahil hindi ito bahagi ng kanilang kultura. Ano naman kaya ang panumbas ng mga salitang karomata at nigo sa ibang kultura?
- Ang wika ay nagbabago. Dinamiko ang wika. Hindi ito maaaring tumangging hindi magbabago. Ang isang wikang stagnant ay maaari ring mamatay tulad ng hindi paggamit niyon. Ayon kina Paz (2003:6) lahat ng bagay ay nagbabago at sa panahon ngayon ng makabagong teknolohiya at madaling paglalakbay ng mga tao, masasabing lumiliit na ang mundo. Ang bunga ng pagliit na ito ng mundo na dala na rin ng midya ay ang dumadaling ugnayan ng mga tao na maaaring nagdadala ng pagbabago sa kanya, sa kanyang kultura at sa kanyang wika. Ang pinakamadaling maapektuhan ng pagbabago sa wika ay ang bokabularyo nito. Sa kaso ng Pilipinas, ang matagal na ding impluwensya ng ibang bansa ay nagdagdag sa bokabularyo ng ating mga wika ng mga salitang hiram na galing sa Instik, Arabik, Kastila, Ingles at Hapon, halimbawa: pansit, lomi, syopaw, swerte, sibuyas, mansanitas, magkodakan, kompyuter, siroks, sushi, tempura, Japayuki, atbp. Sa mga nadagdag na salita, may mga nahinto ang gamit, at may mga napalitan o nadagdagan ang kahulugan. Halimbawa, kerida na galing sa Kastila querida ‘minamahal’ na ang kahulugan ngayon sa Filipino ay ‘kinakasama ng lalake na hindi niya asawa’, bawnderi ng taksi o ng jip na galing sa Ingles boundary ‘hangganan’ na ang nadagdag na kahulugan ay ‘perang ibinayad ng drayber sa may-ari sa pagpasada ng kanyang taksi o jip. Ano kaya ang naging kahulugan sa Filipino sa mga salitang Ingles na wheels, cats, dogs, Indian? Ang mga ito ay mga patunay na ang wika ay nagbabago.
- Ang wika ay pantao. Ang wika ay para sa, ukol sa, at gamit lamang ng tao. Iba ang wika sa ungol o huni ng hayop. Ang aso ay tumatahol, ang pusa ay ngumingiyaw, ang leon ay umaatungal, ang sisiw ay sumisiyap, ngunit ang mga ito ay hindi wika. Napag-aralan ng isang tao na salitain ang isang wika, ang wika ng ibang pangkat etniko. Hindi mapag-aaralan ng isang aso ang atungal ng leon o tilaok ng isang manok, ang pagtahol ng aso. Ang wika ay pantao. Hindi magagamit ng mga hayop ang kani-kanilang sariling paraan ng pag-ungol na gaya ng paggamit ng tao sa wika. Nagagamit ang wika sa pag-uusap tungkol sa kanyang opinyon. At dahil sa ang wika ay may sistema, maaaring matutuhan ng isang tao ang ibang wika o ang wika ng ibang pangkat etniko o pangkat kultural ng ibang lahi at lipi.
Kahalagahan ng Wika
May malaking papel na ginagampanan ang wika sa bawat tao at maging sa lipunan. Sa pamamagitan ng wika, nabubuo ang mabuting relasyon sa kapwa, napapaunlad ng tao ang kanyang sarili at nakatutulong din siya sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng iba. Dahil sa wika nakatatanggap at nakikibahagi siya sa kapwa ng bisang dala ng pagbabago sa kultura at kabihasnan. Ang realisasyon ng kanyang mga pangarap bilang tao at ang pagtupad ng kanyang tungkulin bilang makabuluhang kasapi ng lipunan ay nakasalalay sa kanyang kakayahan sa paggamit ng wika. Samakatwid, ang kahusayan ng tao sa paggamit ng wika na ipinakikita sa kanyang kasanayan sa pakikinig, pagsasalita, pagbasa at pagsulat ay maituturing na isang mahalagang katuparan at instrumento sa pansariling pag-unlad.
Narito ang ang iba’t ibang kahalagahan ng wika.
Instrumento ng Komunikasyon. Ang wika pasalita man o pasulat, ay pangunahing kasangkapan ng tao sa pagpapahayag ng damdamin at kaisipan. Sa micro level, ang dalawang tao ay nagkakaunawaan sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng wika. Ang magkasintahan, halimbawa, ay nakapagpapanatili ng relasyon dahil may wikang nagiging instrumento nila ng komunikasyon. Samantala, may mga nagkakagalit o nag-aaway bunga ng miskomunikasyon o di-epektibong paggamit ng wika. Samakatwid, ang mabisang paggamit ng wika ay mahalaga sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa dahil tayong mga tao ay mga nilikhang panlipunan. Kung gayon, ang wika ang pangunahin nating kasangkapan upang tayo’y makaganap sa ating mga tugkuling panlipunan. Ayon din sa macro-level, ang mga bansa ay nakakapag-ugnayan dahil sa wika. Iba-iba man ang wika ng mga bansa, nakahahanap pa rin sila ng komong wikang kanilang kinakasangkapan upang magkaroon ng unawaan.
Nag-iingat at Nagpapalaganap ng Kaalaman. Maraming kaalaman ang naisasalin sa ibang salin-lahi at napakikinabangan ng ibang lahi dahil sa wika. Ang mga nobela ni Rizal halimbawa, ay naisulat ilang daang taon na ang lumipas ngunit patuloy itong napakikinabangan sa ating panahon dahil may wikang nagkakanlong dito at nag-iingat hanggang sa kasalukuyan. Ang mga mahahalagang imbensyong kanluran ay napakikinabangan din sa ating bansa dahil may wikang nagkakanlong sa mga iyon at naging sanhi upang iyon ay mapalaganap sa iba’t ibang sulok ng daigdig. Dahil may wika, hindi kasamang naililibing ang mga mahahalagang kaalaman sa pagyao ng lumikha o tumuklas ng mga iyon. Paano na lang kaya kung hindi man lang naisulat o naipagsabi ni Benjamin Franklin ang pagakatuklas niya sa kuryente bago siya namatay? Marahil ay baka wala pa rin tayong kuryente hanggang sa ngayon.
Nagbubuklod ng Bansa. Sa panahon ng mga katipunero, wikang Tagalog ang naging daan upang mapag-isa ang kanilang mga hinaing. Tagalog ang kanilang wikang opisyal, sa kanilang pakikipaglaban sa mga Kastila, samantalang ang mga Propagandista naman ay ng wikang Kastila, na naging wika nila sa pagpapahayag ng mga makabayang diwa sa la Solidaridad. Ano mang wika, kung gayon, ay maaaring maging wika ng pang-aalipin, ngunit maaari rin itong gamitin upang pagbuklurin ang isang bansa sa layuning pagpapalaya. Tulad na lamang ng sa Edsa I at II, wika ang daan upang magtipon ang mga Pilipino sa monumento ng EDSA upang isigaw ang nag-iisang mithiin ang pagtuldok sa pamahalaang diktadorya at mandarambong.
Lumilinang ng Malikhaing Pag-iisip. Kapag tayo ay nagbabasa ng maikling kwento o nobela o di kaya’y kapag tayo’y nanonood ng pelikula, parang nagiging totoo sa ating harapan ang mga tagpo niyon. Maaaring tayo’y napahalakhak o napapangiti, natatakot o kinikilabutan, nagagalit o naiinis, naaawa o naninibugho. Ito ang nagpapagaan ng ating imahinasyon. Sa ating isipan, nalilikha natin ang bawat larawan ng mga tagpo sa kwento o nobelang ating binabasa o pelikulang ating pinapanood. Ang wikang nakasulat na ating nababasa o wikang sinasalita ng mga tauhan sa pelikula na ating naririnig ang nagdidikta sa ating isipan upang gumana at lumikha ng imahinasyon, at kung gayo’y nalilinang ang ating malikhaing pag-iisip.
Tungkulin ng Wika
Napakahalaga ng tungkuling ginagampanan ng wika. Napakahalagang katangian ng tao ay ang pagkakaroon ng wika at ang kakayahang gumamit ng wika. Isipin natin. Ano kaya ang magiging buhay ng tao at ng santinakpan kung nagkataong walang wika ang tao at hindi angkin ng tao ang kakayahang gumamit ng wika? Paano ang pakikipagtalastasan? Paano maipapahayag ang mga kaisipan at mga damdamin? Paano maitatala ang mga naganap na pangyayari na tatawaging kasaysayan? Kung walang wika, lahat ng tungkuling binanggit ay hindi maisasagawa.
Ang wika na ugat ng pakikipagtasalastasan o komunikasyon ay may mahahalaga at iba’t ibang tungkulin gaya ng sumusunod:
Pang-interaksyunal. May gamit interaksyunal ang wika kung ginagamit ito sa pagpapanatili ng mga relasyong sosyal, katulad ng pagbati sa iba’t ibang okasyon, panunukso, pagbibiro, pang-iimbita, pasasalamat at paggamit ng mga salitang pang-teen-ager, liham-pangkaibigan, lenggwahe ng mga bakla, propesyunal na jargon, palitang ritwalistik, at dayalektong rehiyunal.
Pang-intrumental. May gamit na intrumental ang wika na tumutulong sa tao para maisagawa ang mga gusto niyang gawin. Maisasagawa niya ang anuman at mahihingi ang iba’t ibang bagay sa tulong ng wika. Samakatwid, magagamit ang wika sa pagpapangaral, verbal na pagpapahayag, pagmumungkahi, paghingi, pag-uutos, pakikiusap at liham pangngalakal.
Panregulatori. May gamit ding regulatori ang wika na nangangahulugang nagagamit ito sa pagkontrol sa mga sitwasyon o kaganapan. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga patakaran o palisi at mga gabay o panuntunan, pag-aaproba at/o di-pagpapatibay, pagbibigay ng pahintulot at/o pagbabawal, pagpuri at/o pambabatikos, pagsang-ayon at/o di-pagsang-ayon, pagbibigay ng direksyon, paalala, babala at pagbibigay panuto.
Pampersonal. Personal naman ang gamit ng wika sa pagpapahayag ng personalidad at damdamin ng isang indibidwal. Nasa anyo ito ng iba’t ibang pangungusap na padamdam, pagmumura, paghingi ng paumanhin, pagpapahayag ng mga pansariling damdamin (tuwa, galit, gulat, hinanakit, pag-asa, kagustuhan), at iba pang pansariling pahayag.
Pang-imahinasyon. Ito ang gamit ng wika kung ginagamit ito sa paglikha at/o pagpapahayag ng malikhain, estetiko o artistikong kaisipan. Kasama rito ang verbal o kaya’y pasulat na pag-awit, pagtula, pagkukwento, deklamasyon, akdang pampanitikan at iba pang gawaing ginagamit “ang wika para sa wika.”
Pangheuristiko. May gamit heuristik ang wika kung ginagamit ito ng tao upang matuto at magtamo ng mga tiyak na kaalaman tungkol sa mundo, sa mga akademiko at/o propesyunal na sitwasyon. Ito ay ang pagbibigay o paghahanap ng kaalaman. Kabilang dito ang pagtatanong, pakikipagtalo, pagbibigay-depinisyon, panunuri, sarbey at pananaliksik.
Pang-impormativ. Ang wika ay instrumento upang ipaalam ang iba’t ibang kaalaman at insight tungkol sa mundo. Ang wika ay ginagamit upang magbigay ng impormasyon/datos. Tulad ng pag-uulat, pagtuturo, pagpapaliwanag, pagsagot, pagtuturo at pamanahunang papel.
No comments:
Post a Comment