Search This Blog

April 12, 2022

LET REVIEWER-FILIPINO

 

Alpabetong Filipino

Ang alpabetong Filipino ay binubuo ng 28 letra na ganito ang ayos:

A, B, C, D, E, F, G, H, I, J, K, L, M, N, Ň, NG, O, P, Q, R, S, T, U, V, W, X, Y, Z,

Sa 28-letrang ito ng alpabeto, 20 letra ang nasa dating ABAKADA (A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N, NG, O, P, R, S, T, U, W, Y), at 8 letra ang dagdag dito (C, F, J,  Ň, Q, V, X, Z) na galing sa mga umiiral na wika ng Pilipinas at sa iba pang wika.

Ang ngalan ng mga letra.  Ang tawag sa mga letra ng alpabetong Filipino ay ayon sa tawag-Ingles maliban sa Ň (enye) na tawag-Kastila.

Silabikasyon

Sa kasalukuyan ay may mga kayarian ng pantig na ambag ng mga lokal na wika at panghihiram.

Ang pagtukoy sa pantig, gayundin sa kayarian nito, ay sa pamamagitan ng paggamit ng simbolong K para sa katinig at P para sa patinig.  Narito ang ilang halimbawa ng mga pantig.

                Kayarian                                              Halimbawa

                P                                                              u-pa

                KP                                                           ma-li

                PK                                                           is-da

                KPK                                                        han-da

                KKP                                                        pri-to

                PKK                                                        eks-perto

                KKPK                                                     plan-tsa

                KKPKK                                  trans-portasyon

                KKPKKK                                               shorts    

 

 

Palabuuan ng Salita

  1. Morpolohiya – ito ay sistema ng pagsasama-sama ng mga morpema sa pagbuo ng mga salita sa isang wika.  Pag-aaral ng mga morpema ng wika.

 

Morpema – pinakamaliit na yunit o bahagi ng wika na nagtataglay ng sariling kahulugan.  Ito ay maaaring isang salita o bahagi lamang ng salita.

Mga Paraan ng Pagbuo ng Salita

Payak ang anyo ng salita kapag binubuo ito ng salitang-ugat lamang, tulad nito:

                        langit                                      yaman                                   sulat

                        ilog                                          puti                                         lantad/hantad

                                bahay                                    diwa                                       talino

 

Maylapi ang anyo ng salita kapag binubuo ito ng salitang-ugat at panlaping maaaring ilagay sa unahan o hulihan ng salitang-ugat.  Dahil sa panlaping nag-uuri, nagkakaroon ng iba’t ibang kahulugan ang salita, tulad ng makikita sa loob ng parentesis:

 

Mga Panlaping Ginagamit sa Pagbuo ng Pangngalan

-an

1.       lalagyan ng maraming bagay na isinasaad ng salitang-ugat

Halimbawa:  atisan, manggahan, aklatan

2.       pook na ginagampanan ng kilos na isinasaad ng salitang-ugat

Halimbawa:  saingan, katayan, laruan

3.       panahon o maramihang pagganap na isinasaad ng salitang-ugat

Halimbawa:  binyagan, anihan, taniman

4.       gantihang kilos

Halimbawa:  tulakan, tulungan, kuwentuhan

5.       maramihan o sabayang kilos

Halimbawa:  suguran, bilihan, sigawan

-in

1.       relasyong isinasaad ng salitang-ugat

Halimbawa:  pininsan, inale, inapo

2.       nagsasaad ng karaniwang gamit o tungkulin ayon sa salitang-ugat

Halimbawa:  salain, salukin, pikutin

ka-

1.       kasama sa pangkat, katulong sa gawain

Halimbawa:  kabayan, kalahi, kaklase 

2.       nagsasaad ng relasyon ayon sa isinasaad ng salitang-ugat.

Halimbawa:  kalaro, kausap, kamag-anak

tag-

1.       nagsasaad ng panahon

Halimbawa:  tag-init, tag-ulan, tag-araw

Mga Panlaping Ginagamit sa Pagbuo ng Pang-uri

ma- + su :               mahusay, maganda

mapag- + su          :               mapagbigay, mapagtanong

-in / -hin + su        :               silanganin, kanluranin, artistahin

                                                (nangangahulugan ng pagtataglay ng katangiang

inihuhudyat ng salitang-ugat ang lahat ng panlaping ito)

                maka- + su            :               makabayan, makabago, makamanggagawa

                                                                (mahilig, kampi, may malasakit)

                mala- + su             :               malabituin, malasanto, malatelenobela

                                                                (tila, parang, halos)

                pala- + su              :               palaluto, palabasa, palabati, palakain

                su + -in   :               sakitin, bugnutin, magagalitin

                                                                (may tendensi, ugali o pagkamahilig)

                ka- + su  :               kalahi, kasukat, kakulay

                                                                (kaisa, katulad)

                su + -an/-han        :               noohan, pangahan, ilongan, matahan

                                                                (labis ang laki, malaki sa karaniwan)

                -al                           :               emosyonal

                uwal/-wal              :               aktuwal/aktwal

                -ante                       :               importante, bastante

 

                Mga panlapi para maipakita ang nasyonalidad o rehiyong pinagmulan, pati  

            sekswalidad:

 

                -o/a                         :               Amerikano/Amerikana, Australyano/a

                -es/esa                    :               Hapones/Haponesa

                -ano/a                    :               Ilokano/a, Bikolano/a

                -ense                       :               Pangasinense

                -enyo/enya           :               Batangenyo/a

               

Inuulit ang anyo ng salita kapag inuulit ito ng parsyal o buo, tulad nito:

 

maganda-ganda   (nangangahulugan ng moderasyon, di labis, di kulang)

mataas-taas                 

                malayu-layo

 

                masamang (+-ng) + masama            :masamang-masama

                                (naghahayag ng kasukdulan)

               

Tambalan ang anyo ng salita kapag binubuo ito ng dalawang salitang maaaring magkaroon ng ibang kahulugan kapag pinagsama.  May gitling (-) sa pagitan ng dalawang salitang pinagtambal subalit taglay pa rin nito ang kani-kanilang kahulugan.  Wala nang gitling ang dalawang salitang pinagtambal kung nagkaroon na ito ng pangatlong kahulugan.  

 

Halimbawa:

balat + sibuyas     :               balat-sibuyas (sensitibo)

ningas + kugon    :               ningas-kugon (mabuti lamang sa simula)

kapit + tuko                          :               kapit-tuko (di humihiwalay)

palabat + bunga   :               pabalat-bunga (pakitang-tao)

isip + lamok                         :               isip-lamok (kahinaan ng pag-iisip, di nag-iisip)

boses + ipis                           :               boses-ipis (mahinang-mahina ang boses)

 

bahaghari

dalagambukid

 

 

 

Mga Panlaping Makadiwa o Panlaping Ginagamit sa Pagbuo ng Pandiwa

 

1.       Pandiwang pokus sa tagaganap o aktor

Panlaping mag-, um-, mang-, maka-, makapag

Halimbawa:  magsaing, bumili, umasa, mangisda, makapagbenta

 

2.       Pandiwang pokus sa layon

Panlaping i, -an, ipa, -in

Halimbawa:  igisa, balatan, ipaukit, tabasin

 

3.       Pandiwang pokus sa ganapan

Panlaping –an, pag—an

Halimbawa:  saingan, pagsalangan, paglutuan

 

4.       Pandiwang pokus sa tagatanggap

Panlaping i-, ipang-, ipag-

Halimbawa:  ibili, ipanghingi, ipagluto

 

5.       Pandiwang pokus sa instrumento

Panlaping ipang-

Halimbawa:  ipangsalok, ipambili, ipandilig

 

6.       Pandiwang pokus sa sanhi

Panlaping ika-, ikapang-

Halimbawa:  ikagulat, ikainis, ikinagaling, ikinapanghina

 

7.       Pandiwang pokus sa direksyunal

Panlaping –an

Halimbawa:  puntahan, kuhanan, utangan

 

Pagbabagong Morpoponemiko

 

  • Karamihan sa mga pagbabago sa anyo at bigkas ng mga salita ay sanhi ng pagdaragdag ng panlapi o pagsasama ng dalawa o higit pang morpema upang bumuo ng salita.  Ang nagaganap na pagbabago ay tinatawag na pagbabagong morpoponemiko.

 

Asimilasyon                          pang + bansa = pambansa; mang + daya = mandaya

                                                pang + tukoy = pantukoy; mang + dukot = mandukot

                                                pang + talo = panalo; mang + kuha = manguha

Pagpapalit                             ano + ano = anu-ano

Paglilipat                               y + in + akap = yinakap = niyakap

                                                lipad + in = linipad = nilipad

                                                yaya + in = yinaya = niyaya

Pagbabago ng                       ma + dama = marami; ma + dapat = marapat

Ponema                 tamad + in = tamarin; lipad + in = liparin                      

Pagkakaltas                          bili + han = bilihan = bilhan; dakip + in = dakipin = dakpin

                                                tirah + an = tirahan = tirhan; sarah + an = sarahan = sarhan 

Pagdaragdag                        paalala + han = paalalahan; paalalahan + an = paalalahanan

Pag-aangkop                        hintay + ka = teka

 

Kaantasan ng Katangiang Ipinahahayag ng Pang-uri

 

1.       Lantay – karaniwang anyo ng pang-uring ginagamit sa paglalarawan

Halimbawa:  mataba, palabiro, sutil

 

2.       Katamtaman – nagpapahayag ng katamtamang antas ng paglalarawan.  Gumamit ng mga salitang medyo, nang kaunti o nang bahagya.

Halimbawa:  Medyo maitim siya ngayon.

                           Payat siya nang bahagya ngayon.

 

Maaari rin ang katamtamang antas sa pamamagitan ng pag-uulit ng salitang-ugat o dalawang unang pantig nito.

Halimbawa:  Malayu-layo rin ang kanilang bagong bahay.  

 

3.       Masidhi – nagagawa ang pag papasidhi ng pang-uri sa pamamagitan ng pag-uulit ng salita at paggamit ng pang-angkop na na o –ng.

Halimbawa:  Masayang-masaya siya ngayon.

 

Sa pamamagitan ng paggamit ng mga panlaping napaka-, pagka at kay.

Halimbawa:  Pagkalapi-lapit lang ng kanilang tirahan.

                           Kay init-init ng panahon ngayon.

                           Napakasungit ng kaibigan mo.

 

Sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang lubha, masyado, totoo, talaga, tunay, ubod ng, hari at iba pa.

Halimbawa: Talagang maaasahan ang kaibigan kong iyon.

                           Tunay na mahal ang mga bilihin ngayon.                  

 

Antas ng Hambingan

 

1.       Pahambing – tawag sa mga pang-uring ginagamit sa paghahambing ng

      dalawang tao, bagay, o pook.

      Halimbawa:  Kasinlaki mo si Kuya.

                                   Kapwa matalino ang magkapatid.

                                   Di kasinhusay ni Paul si Christian.

                           Di hamak na mainam tumira sa probinsya kaysa Manila.   

 

2.       Pasukdol – panlaping ginagamit sa pagbuo ng pasukdol na anyo ng pang-uri ay ang pinaka- at ka- -an.

Halimbawa:  Pinakamabili ang tinda nilang paputok.

                           Kasuluk-sulukan ang kanilang pinuntahang bahay.

 

Pokus ng Pandiwa

 

  • Ito ay tumutukoy sa makahulugang ugnayan ng pandiwa at ng paksa ng pangungusap.  May pitong (7) uri ng pokus ang pandiwa.

 

1.       Pokus sa Tagaganap/Aktor – ang paksa ay ang tagaganap ng kilos na ipinahihiwatig ng pandiwa.  Mga panlaping ginagamit:  mag-, um-/um, mang-, maka-, at makapag- 

Halimbawa:  Sumalok ng tubig ang bata.

 

2.       Pokus sa Layon – binibigyang-diin sa pangungusap ay ang layon.  Mga panlaping ginagamit:  i-, -an, ma, ipa, at –in.

Halimbawa:  Isinalok ng bata ang timba.

 

3.       Pokus sa Ganapan – binibigyang-diin ng paksa ay ang lugar o ang ganapan ng kilos.  Mga panlaping ginagamit:  pag-…-an/-han, mapag-…-an/-han, at pang-..-an/-han

Halimbawa:  Pinagsalukan ng bata ng tubig ang balon.

 

4.       Pokus sa Tagatanggap – ang paksa ay ang tagatanggap o ang pinaglalaanan ng kilos na ipinahahayag ng pandiwa.  Mga ginagamit na panlapi:  i-, ipang-, at ipag-.

Halimbawa:  Ipinangsalok niya ng tubig ang ama.

 

5.       Pokus sa Intrumento o Gamit – ang paksa ng pangungusap ay ang instrumento o gamit sa pagsasagawa ng kilos na isinasaad ng pandiwa.  Panlaping ginagamit:  ipang-

Halimbawa:  Ipinangsalok niya ng tubig ang timba.

 

6.       Pokus sa Direksyon – ang paksa ng pangungusap ay ang direksyon o tinutungo ng kilos na isinasaad ng kilos.  Mga panlaping ginagamit:  -an/-han.

Halimbawa:  Pinagsalukan ng bata ng tubig ang balon. 

 

7.       Pokus sa Sanhi – ang paksa ng pangungusap ay ang dahilan o sanhi ng kilos.  Mga panlaping ginagamit:  i-, ika- at ikapang-.

Halimbawa:  Ikinatakot ng bata ang pagkaubos ng tubig.        

 

Aspekto ng Pandiwa

 

  • Ang aspekto ay ang katangian ng pandiwa na nagsasaad kung nasimulan na o hindi pa ang kilos.  Ang mga pandiwa sa Filipino ay nababanghay sa tatlong aspekto.

 

  1. Perpektibo/Pangnagdaan – ang kilos ay nasimulan na o natapos na.  Maaari rin itong magsaad ng kilos na katatapos lamang.  Nabubuo ito sa pamamagitan ng paggamit ng unlaping ka- at pag-uulit ng unang katinig at unang patinig o unang patiniog lamang ng salitang-ugat.

Halimbawa:  Nagtinda siya ng isda sa palengke.

Katitinda­ lang niya ng isda sa palengke.

  1. Imperpektibo/Pangkasalukuyan – ang kilos ay nasimulan na at ipinagpapatuloy pa.

Halimbawa:  Nagtitinda siya ng isda sa palengke.

  1. Kontemplatibo/Panghinaharap – ang kilos ay di pa nasisimulan. 

Halimbawa:   Magtitinda siya ng isda sa palengke.

 

Ang Paningit o Ingklitik

 

  • Ang paningit o ingklitik ay katagang isinisingit sa pangungusap upang higit na maging malinaw ang kahulugan nito.  

Halimbawa:  ba, kasi, kaya, daw/raw, din/rin, ho, lamang/lang, man, muna, na, naman, nga, pa, pala, sana, tuloy, at yata.

 

Ayos ng Pangungusap sa Filipino

 

  • Ang batayang pangungusap sa Filipino ay binubuo ng dalawang panlahat ng bahagi—ang panaguri at ang paksa.

 

  1. Paksa – pinag-uusapan o pinagtutuunan ng pansin sa pangungusap.
  2. Panaguri – nagbibigay ng kaalaman o impormasyon tungkol sa paksa.

 

Iba’t Ibang Uri ng Panaguri sa Filipino:

  1. Panaguring Pangngalan

Halimbawa:  Kompyuter ang gustong regalo ng bata.

                     Aklat-pambata ang dala ko.

 

  1. Panaguring Panghalip

Halimbawa:  Sila ang kamag-anak ko.

                         Tayo ang maghahatid ng sulat.

               

  1. Panaguring Pang-uri

Halimbawa:  Malungkot ang buhay sa Dubai.

                     Mahal ang nabili kong damit.

 

  1. Panaguring Pandiwa

Halimbawa:  Tumalon ang bata.

                      Pumitas ng talbos si Joan.

 

  1. Panaguring Pang-abay

Halimbawa:  Ngayon ang alis namin.

                     Ganito ang paluluto ng yema.

 

Karaniwang-Ayos ng Pangungusap – likas ng kayarian ng pangungusap sa Filipino na mauna ang panaguri sa paksa.  Ginagamit ito sa pang-araw-araw na usapan.

Halimbawa:  Nakabili ng dyip ang Tatay.

                         Naglaba kami ng mga damit sa sapa.

 

Di Karaniwang-Ayos ng Pangungusap – higit na gamitin sa mga pormal na sitwasyong komunikatibo, tulad ng pulong, sa hukuman, o pakikipag-usap sa mga pinuno.

Halimbawa:  Ako ay naatasang mamuno ngayon.

                      Sila ay maghahain ng reklamo laban sa Kapitan ng barangay.

 

Ang Wastong Gamit ng Salita

 

Ng at Nang

 

Gamit ng NG

 

  • ginagamit bilang pantukoy

Halimbawa:  Nag-aaral ng Ilokano si Sonia.

 

  • ginagamit bilang pang-ukol na ang katumbas sa ingles ay with

Halimbawa:  Hinampas niya ng payong ang aso.

 

  • ginagamit bilang pang-ukol na ang katumbas ay sa

 Halimbawa:  Magsisiuwi ng Pilipinas ang magagaling na doktor.

 

Gamit ng NANG

 

  • ginagamit na pangatnig sa hugnayang pangungusap bilang panimula ng katulong na sugnay o sugnay na di makapag-iisa

      Halimbawa:  Nang siya ay dumating, dumagsa ang tao.

 

  • ginagamit bilang pang-abay na nanggaling sa “na” na inangkupan ng “ng” kayat nagiging “nang”

      Halimbawa:  Nagbalita nang malakas ang aking kaibigan sa opisina.

 

 

May at Mayroon

 

Gamit ng May

 

  • ginagamit ang may kung ang sumusunod na salita ay:

 

Pangngalan

Halimbawa:  May batang nahulog.

 

Pandiwa

Halimbawa:  May sasayaw na babae mamayang gabi.

 

Pang-uri

Halimbawa:  May bagong bahay na nasunog.

 

Panghalip na paari

Halimbawa:  May kanya-kanya tayong alam.

 

Pantukoy na mga

Halimbaa:  May mga batang pupunta dito mamaya.

 

Pang-ukol na sa

Halimbawa:  May sa-kalabaw ang boses ng taong iyan.

 

Gamit ng Mayroon

 

  • sinusundan ng panghalip na palagyo

Halimbawa:  Mayroon kaming dadaluhang pulong bukas.

 

  • sinusundan ng isang kataga

Halimbawa:  Mayroon ding pulong ang kababaihan.

 

  • ginagamit sa patalinghagang kahulugan

Halimbawa:  Si Mayor Favila ang mayroon sa lahat.

 

Subukin at Subukan

 

subukin – “pagsusuri o pagsisiyasat sa uri, lakas o kakayahan ng isang bagay o tao.”

subukan – “tingnan kung ano ang ginagawa ng isang tao o ng mga tao.”

Halimbawa:  Subukin mong gamitin ang sabon na ito.

                      Sunubukan nila ang disiplina ng mga mag-aaral.   

 

Pahirin at Pahiran

 

pahirin – pag-aalis o pagpawi

pahiran – paglalagay ng bagay

Halimbawa:  Pahirin mo ang dumi sa iyong mukha.

                       Pahiran mo ng pulang pintura ang gate.  

 

Walisin at Walisan

 

walisin – pandiwang pokus sa layon.

walisan – pandiwang pokus sa ganapan.

Halimbawa:  Walisin mo ang mga tuyong dahon sa bakuran.

                      Walisan mo ang bakuran.

 

Maliban at Bukod

 

maliban – (except o aside) may kahulugang matangi sa bagay na binanggit ay wala nang iba.

bukod – (in addition to o besides) karagdagang sa mga bagay na binanggit.

Halimbawa:  Maliban sa lupa, wala na siyang maiiwan sa nag-iisang anak.

                     Bukod sa lupa, may bahay pa siyang maiiwan sa nag-iisang anak.  

 

Kung at Kong

 

Gamit ng Kung

 

  • ginagamit na pangatnig sa mga sugnay na di makapag-iisa sa mga pangungusap na hugnayan

Halimbawa:  Kung siya’y narito, tayo’y magiging magulo.

 

Gamit ng Kong

 

  • buhat sa panghalip na ko ang kong at nilalagyan lamang ng pang-angkop na ng sa pakikiugnay sa salitang sumusunod:

Halimbawa:  Ipinagtapat kong nangyari.

 

Din at Rin; Daw at Raw; Doon at Roon

 

Gamit ng din, daw, doon

 

  • ginagamit kapag ang nauunang salita ay nagtatapos sa katinig maliban sa w at y

Halimbawa:    Napanood din nila ang pelikula.

                             Napanood daw nila ang pelikula.

                             Napanood doon nila ang pelikula.

 

Gamit ng rin, raw, roon

 

  • ginagamit kapag ang nauunang salita ay nagtatapos sa patinig.  Ang w at y ay itinutuing na malapatinig.  Samakatuwid, ang rin, raw, roon ay ginagamit kapag ang sinusundang salita ay nagtatapos sa mga titik na ito.

Halimbawa:  Himala rin ang kailangan niya.

                      Kaliwete raw ang dalaga.

                      Umuwi roon ang kanyang asawa.

 

Ika at Ika-

 

Gamit ng ika

 

  • ginagamit bilang panlapi sa bilang na isinusulat bilang salita

Halimbawa:  ikatlong taon

                       Ikalimang araw

 

Gamit ng ika-

  • ginagamit ang ginitlingan na “ika” bilang panlapi kung mismong bilang ang isusulat.

Halimbawa:  ika-25 ng Enero

                      Ika-5 taon

 

Maka at Maka-

 

Gamit ng maka

  • ginagamit ang “maka” na walang gitling kung pangngalang pambalana ang kasunod na salita

Halimbawa:  Naglunsad ng poetry reading ang mga makabayan.

 

Gamit ng maka-

  • ginagamit ang may gitling na “maka-“ kapag sinusundan ng pangngalang pantangi

Halimbawa:  Maka-Nora ang mga nanonood ng kanyang mga pelikula.

 

Gawin at Gawan

 

  • ginagamit ang mga panlapi -in/-hin sa mga pandiwang pokus sa layon

Halimbawa:  Gawin mo ang sa tingin mo ay tama.

 

  • ginagamit ang panlaping -an/-han sa mga pandiwang pokus sa direksyon

      Halimbawa:  Subukan mong gawan siya ng mabuti.

 

Ang Wikang Filipino sa 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas

 

Artikulo XIV – Edukasyon, Syensya at Teknolohiya, Mga Sining, Kultura, at

                           Isports

 

Wika

 

Seksyon 6.  Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.  Samantalang nalilinang ito, ito ay dapat na payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.

                        Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggami ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

 

Seksyon 7.  Ukol sa mga layunin ng komunikayon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles.

                    Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.

                    Dapat itaguyod nang kusa at opsyonal ang Kastila at Arabic.

 

Seksyon 8.  Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin samga pangunahing wikang panrehiyon, Arabic at Kastila.

 

Seksyon 9.  Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehiyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili.  

No comments:

Post a Comment

LET REVIEWER

Introduksyon sa Pagsasalin

Overview: Pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay naglalayong paunlarin ang kasanayan sa pagsasalin na ginagabayan ng pananaliksik (saliksik...